báhay-na-bató

architecture, ancestral houses, Philippine Architecture

Ang báhay-na-bató ay malaking bahay ng mga mariwa-sang pamilya noong panahon ng kolonyalismong Español. Tinawag itong báhay-na-bató dahil may dingding na pinagpatong-patong na mga bato at idinikit ng semento ang pang-ibabâng palapag nitó. Gayunman, kahoy ang mga haligi, sahig, at dingding ng pang-itaas na palapag at karaniwang tisà ang bubungan. Malimit na kahoy din ang hagdan at kahoy ang mga muwebles sa loob ng bahay.

Tinatawag din itong “bahay na kolonyal” dahil may pangkalahatang estruktura ng bahay mariwasa sa España at pinalaganap sa mga kolonya nitó. Gayunman, iginigiit ng mga makabayang arkitekto ngayon ang báhay-kúbo bilang pangkalahatang huwaran ng estruktura ng báhay-na-bató gayundin ang inilakip na mga katutubo Asianong sangkap sa paglikha ng tinatawag naman niláng “tropikong baroko” (“tropical baroque”). Nagdudulot ng ganap na proteksiyon ang mga dingding na bato sa pang-ibabâng palapag ngunit hindi ito bahagi ng pangkalahatang estruktura na nakasandig sa mga haliging kahoy at sumasaló sa kabuuang bigat ng sahig hanggang bubong ng pang-itaas na palapad. Sa gayon, kapag inalis ang dingding na bato, ang báhay-na-bató ay katulad sa maraming paraan ng isang bahay-kubo na pinalaki at ginawang bato ang silong.

Ang pang-ibabâng palapag ay karaniwang bodega ng pamilya, garahe ng karwahe at karo ng santo, kabalyaresa, kamalig ng bigas at ibang pagkain, at silungan ng mga kutsero, hardinero, kusinera, at ibang katulong. May tarangkahan itong matigas na at de-abaniko ang mga pinto, nasasahigan ng batóng silyar, at may malinis at maluwang na pasilyo patungo sa malaking hagdan, na may siko o hugis ispayral patungo sa pang-itaas na palapag. May maliit na sala sa dulo ng hagdan, tinatawag na kaida (caida), at pansamantalang estasyon sa bisita. Pambungad din ito sa maluwang na sala real na maaaring pagtipunan ng 50 o mahigit na panauhin at karaniwang nakaugnay sa kome-dor na may mahabàng mesa. Ang kabuuan ng pang-itaas na palapag ay nilalagyan ng mga naititiklop na partisyon para sa mga silid, pinamalaki ang silid ng senyor at senyora, at alinsunod ang bilang sa kapritso ng may-ari. Antigo at matigas na kahoy ang gamit sa buong kabahayan. Ang mga dingding ay nahihiyasan ng mga maluwang at mataas na durungawan. Kapis ang tatlo-apat na panel ng bintana. Sa ilalim ng pasamano, may bentanilya na binubuo ng kahoy o bakal na barandilya sa labas at dalawang uri ng durungawan sa loob, isang de-tiklop na persiyana at isang islayding na panel. Ang kabuuang disenyo ay naglalayong magpahintulot ng pagdaloy ng liwanag at hangin sa loob.

May karatig na asotea upang magpahangin at magmasid ng hardin. Karugtong ng komedor ang kusina at ang kongkretong batalan na may paliguan at may bútas para sa pagtataas ng tubig mula sa balon. Para sa dagdag na impormasyon, basahin ang paglalarawan ni Rizal sa bahay ni Kapitan Tiago sa unang kabanata ng Noli me tangere. Bumisita din sa Museo ng De La Salle Dasmariñas na isang rekonstruksiyon ang itaas ng baháy-na-bató, pati mga antigong muwebles at dekorasyon, sa Pampanga, gayundin sa mga heritage house sa Vigan, Malolos, San Miguel (Bulacan), Casa Gorordo (Cebu), at Bohol. (VSA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: báhay-na-bató. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bahay-na-bato/

Related Articles