bahay-baháyan

games, traditional games, family, childhood

Isang larong pambatà ang bahay-baháyan, nilalaro ng apat hanggang limang batà na gumaganap kunwari sa papel ng mga miyembro ng isang mag-anak—ama, ina, mga anak, at kung minsan pati kasambahay o alagang pusa o áso. Isinasadula nilá sa paglalaro ang iba’t ibang karaniwang gawain sa tahanan: paglilinis ng bahay, pagluluto, sabay-sabay na pagkain, pagtulog, at paghahandang makinig ng misa.

Ang itinayông tahanan ay tinatawag ding “bahay-baháyan.” Sa masikip na komunidad ng lungsod, karaniwang nilalaro ito sa loob ng bahay. Isang sulok ng bahay ang itinatakdang bahay-bahayan at nilalagyan ng “bubong” na nakabiting kumot at “sahig” na banig. Ipinupuwesto dito ang mga laruang silya, mesa, plato, at mga gamit pangkusina. Sa nayon at kung may espasyo sa bakuran, nagtatayô ang mga magkakalaro ng maliit na kubo. Depende sa malikhaing talino nilá ang anyo at laki ng bahay-bahayan. Malimit na gamiting dingding at bubong ang ginikan, kugon, mga dahon o palapa ng saging, palaspas, at kung mayroon, pawid. Kawayan ang mga haligi at pampatigas ng dingding at balangkas ng bubong. Pinatuyong putik ang sahig o kayâ ginikan na nilalatagan ng banig o kumot. May mga pagkakataón na may totoong mga bahagi at silid ng bahay ang bahay-bahayan.

Malinaw na ang larong ito ay isang paraan ng pag-aaral sa totoong buhay ng mag-anak. Nasasanay ang mga musmos sa pagtanggap ng mga responsabilidad sa tahanan at natututo ng mga hálagáhang gaya ng pagkakaisa, pagsusunuran, pagtutulungan sa paggawa ng isang bagay, at paggálang sa kapuwa. Naisasaloob din nilá ang halaga at ligaya ng isang pamilyang buo at sáma-sáma. (VSA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bahay-baháyan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bahay-bahayan/