bahág
fashion, clothing, Ifugao, Mangyan
Ang bahág ay isang uri ng katutubo at sinaunang kasuotan ng iba’t ibang pangkating etniko sa Filipinas,lalo na sa mga katutubo sa bulubundukin ng Cordillera. Karaniwang lalaki ang nagsusuot ng bahag, na isa ring uri ng tapis. Ito ay isang pahabâng tela na ibinabalot sa baywang at sa pagitan ng mga hita bilang panakip sa ari. Ang isang dulo ng tela ay nakalaylay sa harap at ang isa naman ay sa likod na tumatakip naman sa puwit. Kadalasang ang kababaihan naman ang humahabi sa tela at ang disenyo ng habi ay natatangi sa kanilang pangkat. Karaniwang pulá ang pangunahing kulay ng bahag at putî at itim naman ang mga disenyo nitó.
Sa pakikipag-ugnayan ng mga katutubo sa iba pang tao, inangkop ng mga katutubo ang makabagong uri ng pananamit at unti-unting nabawasan ang paggamit ng bahag sa pagdaan ng panahon. Sa kasalukuyan, katulad sa mga kilaláng pasyalan sa siyudad ng Baguio, ginagamit bilang atraksiyon para sa mga turista ang bahag. Kinukuhanan ng retrato ang turista habang nakasuot ng bahag o kasáma ang isang nakabahag at kasuotang katutubo. May mga tindahan ding naglalako ng bahag sa mga turista. Tuwing Pista ng Panagbënga, karaniwan ding makikita ang bahag bilang kasuotan ng mga mananayaw sa mga parada at palabas.
Bukod sa mga Ifugaw, kilalá ang mga katutubong Mangyan na gumagamit pa rin ng bahag. Naniniwala siláng ang pagsusuot nitó ay isang paraan ng pagrespeto at pagsunod nilá sa kanilang mga ritwal. Bagaman, unti-unting nakakalimutan ng mga kabataang Mangyan, patuloy pa rin ang mga nakakatandang Mangyan sa pagpapanatili at pagprepreserba ng kulturang ito. (MJ)