bagyó

meteorology, climate, wind patterns, weather, weather patterns, Philippine Climate, Philippine Weather, typhoon, typhoon warning signals, seasons, natural disaster, natural hazards

Ang salitâng bagyó ay nangangahulugang napakasamâng lagay ng panahon na may daláng malakas na hangin at ulan. Tinatawag ding “buháwing tropikál” (tropical cyclone). May apat na babala o warning ito kapag daraan ito sa Filipinas sa susunod na 12 hang-gang 36 na oras depende sa lakas ng hangin. Ang Babala Blg 1 ay para sa hanging may bilis na 30–60 km bawat oras na may kasamang pabugso-bugsong ulan. Sa Babala Blg 2 , ang hangin ay may bilis na 60–100 km bawat oras. Sa Babala Blg. 3, ang hangin ay may bilis na 100–185 km bawat oras. At Babala blg 4 , ang hangin ay may bilis na mahigit sa 185 km bawat oras. Nagsimulang kasindakan ang bagyo noong 1911 pagkaraang maitalâ sa Lungsod Baguio ang 46 na pulgada ng ulan sa loob lamang ng 24 oras. Ang mga bagyo sa Filipinas ay kadalasang nabubuo tuwing buwan ng Mayo hanggang Nobyembre sa hilagang-kanluran ng Dagat Pacifico at nagmumula sa Marianas at mga pulô ng Carolinas. Ang mga bagyong pumapasok sa loob ng Filipinas ay binibigyan ng lokal na pangalan ng Pan-gasiwaan ng Palingkurang Atmosperiko, Heopisikal, at Astronomiko ng Pilipinas (PAGASA), ang ahensiya ng gobyerno na sumusubaybay at nag- aaral sa galaw ng klima ng bansa. Karaniwang umaabot sa 20 bagyo ang dumaraan sa bansa kada taón, subalit noong 1993, umabot ang bilang nitó sa 32.

Sa taunang talâ, ang buwan ng Setyembre ang may pinakaaktibong galaw ng mga unos sa bansa at ang hilagang Luzon at silangang Bisaya naman ang madalas tamaan ng mga ito. Ang pinakamapinsalang bagyo na tumamà sa Filipinas ay ang Bagyong Uring noong 1991 na nagdulot ng malaking pagbahâ at kumitil ng mahigit 5,000 katao bukod pa sa ilang libo katáong nawawala. Pumangalawa ang Bagyong Nitang na nakapagtalâ ng mahigit isang libo katáong namatay. At Setyembre 2011, inilubog din ng katulad na bahâ ang Luzon, partikular ang mga bayan ng Bulacan at Pampanga, dulot ng magkasunod na Bagyong Pedring at Pepeng. Samantala, noong 2013, naitala ang bagyong Yolanda (Haiyan) bilang pinakamabagsik na bagyong nanalanta sa Gitnang Visayas noong Nob. 2013 at tinatayang higit sa 6,000 ang namatay. (AMP)

 

 

 

 

 

Cite this article as: bagyó. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bagyo/

 

Related Articles