Fernándo Bágongbantâ
Si Fernándo Bágongbantâ ang kinikilalang unang makatang Filipino na nailimbag ang pangalan. Nakapangalan sa kaniya ang isang walang pamagat na romance kinikilala ngayon sa pamagat na “Salamat nang ualang hanga” mula sa unang linya ng naturang tula sa bungad ng Memoria de la vida Cristiana en lengua de tagala ni Padre Francisco de San Jose noong 1605. Ang tula ay isang papuri sa naturang aklat ni San Jose at pangangaral sa mga kapuwa Tagalog na basahin ito upang makatamasa ng karunungan. Narito ang panimulang mga taludtod:
Salamat nang ualang hanga
gracias se den sempiternas
sa nagpasilang nang tala
al que hizo salir la estrella
nacapagpanao nang dilim
que destierre la tinieblas
sa lahat na bayan natin
de todo esta nuestra tierra.
Hindi matiyak kung tunay nga ba itong pangalan ng isang binyagang katutubong Filipino o isang sagisag-panulat ng naturang pari na ang totoo di-umanong pangalan ay Francisco Blancas de San Jose at makikitang parehong F.B. ang initial ng dalawa. Ang pari ang unang kumilalang romance ang isinulat ni Bagongbanta na binubuo ng 112 taludtod sa salítang Tagalog at Español. Siya rin ang nagbansag na “ladino” ang may-akda ibig sabihin, isang katutubong natuto ng wikang Español. Ayon sa mga kritiko, ang kaniyang tula pati na rin ang mismong pangalan/sagisag-panulat ay itinuturing na tagpuan ng dalawang kultura ng katutubo at ng kanluranin noong panahon ng kolonyalismong Español. (KLL)