bagnét
food, cuisine, recipe, Filipino cuisine, cooking
Ang bagnét ay pagkaing gawa sa rehiyong Ilocos na maaaring tumukoy sa kanilang bersiyon ng tsitsaron, liyempo, o letsong kawali. Gayunman, naiiba ito dahil iniluluto ang karneng baboy sa malalaking piraso. Kilala ang Lungsod Vigan sa bagnet bagaman hindi patatalo ang Laoag at Batac ng Ilocos Norte. Tinatawag din itong Ilocano crispy pork belly sa labas ng bansa.
Nagsisimula ang paghahanda ng bagnet sa pagpapatuyo ng sariwang karne sa ilalim ng sikat ng araw. Pagkatapos, hihiwain ito sa mga piraso at ilalagay sa isang malaking kaldero upang pakuluan hanggang lumambot. Iaahon ang karne at patutuyuin muli bago ibabad sa mainit na mantika. Kapag nagkulay kayumanggi na, iaahon ulit ang karne at patutuyuin gamit ang papel hanggang lumamig. Pagkatapos, ilulublob muli ito sa mainit na mantika. Uulitin ang prosesong ito hanggang pumutok ang balát, na hudyat na malutong na malutong na ito.
Mapapakinabangan naman ang mga durog na bahagi ng bagnet na kinukudkod mula sa gilid ng kaldero bilang lahok sa pinakbet. Karaniwang isinasawsaw ang bagnet sa sukà o bagoong, o kayâ ay sinasabayan ng kamatis, bilang pantanggal ng umay at pambalanse sa mamantika at nakahihilong tabâ. Tinatawag na KBL ang sawsawan, at bago mapagkamalang inspirado ito ng partido ni Pangulong Marcos ay dapat linawing tumatayô ito para sa unang mga titik ng Kamatis, Bagoong, at Lasuna (sibuyas). (PKJ)