Nicolas dela Cruz Bagay

(1701–1771)

Si Nicolás dela Cruz Bágay (Ni·ko·lás de·la Kruz Bá·gay), isang bantog na mang-uukit ng blokeng kahoy sa imprenta, ay ipinanganak sa Tambobong (Malabon ngayon) noong 1701. Ipinalalagay na edukado siyá at nag-aral ng grabado sa ilalim ng mga misyonerong Español. Una siyáng umani ng papuri bilang grabador ng Mapa de Filipinas (1734) ni Pedro Murillo Velarde, ang unang detalyadong mapa ng bansa. Lumitaw ang pangalan niya bilang grabador sa edisyong 1744 ng aklat.

May iba pang trabaho siyáng lumabas bago mag 1744. Kabilang dito ang La navegacion especulativa y practica ni Conzalo Cabrera Bueno. Noong 1735, ang kaniyang iniukit na retrato ni San Jose ay ipinaloob ni Jose Cortes de Arrendondo y Oriosolo sa kaniyang El Nuevo predicador de la rey de gracia de San Andres Apostol. Pinangasiwaan din niya ang Mapa general de las almas que administrant los Padres Agustinos Calzados en estas Filipinas ng mga Rekoleto at patuloy na inilimbag noong 1836.

Walang dudang matagal na siyáng naglilingkod sa limbagan bago naging bantog na grabador. Nabanggit ang kaniyang pangalan sa mga limbag na bokabularyo. Isinagawa niya ang iniukit na retrato ni San Francisco Javier; ang retrato ni Fernando V na nakasakay sa kabayo at nalathala sa Conclusiones Matematicas ni Fernando Araya noong 1758; ang selyo ng Markes de obando, ginintuan, at inilakip sa tratadong Matematicas de Astronomia ni Jose Sousa y Magalhaes at inilimbag noong 1762; ang retrato ni Fernando VI na nakasakay sa kabayo at may dalawang globo simbolo ng kaniyang kapangyarihan sa silangan at kanlurang bahagi ng mundo sa Relacion de las expre- sivas  demostraciones.

Noong 1771 ay lumaganap ang mga imprenta, at mula noo’y hindi na lumitaw ang pangalan ni Nicolas dela Cruz Bagay. (VSA)

Cite this article as: Bagay, Nicolas dela Cruz. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bagay-nicolas-dela-cruz/