Baclaran
Ang Baclaran (Bak·lá·ran) ay karaniwang tawag sa Simbahang Redemptorist o Pambansâng Dambanà sa Mahál Náting Iná ng Lagìng Saklólo. Ang simbahan ay isa sa pinakamalaking simbahang Marian sa Filipinas, punòng himpilan ng mga paring Redemptorist sa Filipinas, at dinadagsa ng libo-libong deboto tuwing Miyerkoles upang lumahok sa nobena para sa Birheng Maria.
Dinalá ng mga Redemptorist na paring Irish at Australyano ang imahen ng Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran noong 1906. Salungat sa popular na paniwala ang nobenang perpetuwal tuwing Miyerkoles ay hindi nagsimula sa Baclaran kundi sa simbahang Redemptorist sa San Clemente, Iloilo. Ipinakilála ito sa Baclaran ni Padre Gerard O’Donnel at isinagawa ang unang nobena sa Baclaran ni Padre Leo English noong 23 Hunyo 1948, isang Miyerkoles.
Ang dambana at ang imahen ng Baclaran ay nagkaroon din ng mga pagbabago sa paglakad ng panahon. Noong 1932, pinalitan ng higit na malaking ikono ang Ina ng Laging Saklolo para sa lumalaking bilang ng deboto. Ang kasalukuyang estruktura ng simbahan na Modernong Romanesque ay ikatlo nang itinayô sa pook nitó ngayon. Natapos ang dambana noong Disyembre 1952 na may upuan para sa 2,000 katao bagaman umaabot sa11,000 ang nakikinig dito ng misa. May umaabot sa 120,000 deboto ang Ina ng Laging Saklolo.
Dinalaw ni Papa John Paul II ang simbahan noong 1981. Napabalita rin ang dambana noong 1985 nang gawin itong santuwaryo ng mga inhenyero at teknisyan ng Comelec na saksi diumano sa dayaang panghalalan noong panahon ng Batas Militar. Bantog namang tagapagtaguyod ng simbahan si Gng. Imelda Romualdez na dinadalá pa ang mga anak doon kapag visita iglesia sa panahon ng Kuwaresma. (VSA)