báboy
Philippine fauna, animals in the Philippines, animal domestication, agriculture, livestock
Ang báboy ay hayop na unggulado (may hoof o makapal na kukong may biyak sa gitna) sa pamilyang Suidae at species na Sus. May mahabà itong nguso bilang ilong, maikling buntot, maiikling apat na paa, matabâng dibdib, at magaspang na balahibo sa katawan. Tinatawag na baráko o bulúgan ang lalaking báboy na maaaring bumulog o bumuntis. Tinatawag namang inahín ang babaeng báboy na nanganak na. Samantala, biík, kulíg, o búlaw ang tawag sa mga sumusúso pang anak. Naglalarawan ang búlaw sa mamula-mula o malagintong kulay ng biík.
May reputasyon ang báboy na matakaw at marumi. Kayâ may gayong kahulugan ang pangalang “báboy” at maging ang pig o swine sa Ingles at cerdo sa Español. Kinakain nitó ang halos kahit ano at naglulublob sa putikan. Tradisyonal na hindi ito kinakain ng mga Hudyo at Muslim. Totoo namang na-kapagdadalá ito ng mga sakit at parasito na maaaring maipása sa tao, gaya ng trichinosis, cysticercosis, at bru-cellosis. Sa gayon, kailangang iluto ito nang husto bago kainin. Noong Abril 2009, ipinapatay ang lahat ng baboy sa Ehipto dahil sa swine flu na kumalat sa mundo. Bagaman ipinahayag ng mga opisyal pangkalusugan na walang kaugnayan ang mga baboy sa pagsasalin ng peste, anim na bansa ang nagbawal sa importasyon ng pork o karneng baboy mula sa Estados Unidos at Mexico.
Inaalagaan ang baboy lima o pitóng dantaon na nakararaan bilang pagkain at dahil sa balát na ginagawang katad. Sa Hinduismo, nag-anyong bulugan ang diyos na siVishnu upang iligtas ang mundo sa isang demonyo. Sa Katolisismo, konektado ang baboy kay San Antonio. Isa ang baboy sa siklo ng mga hayop sa 12-taóng kalendaryong Chino. Ipinagmamalaki ng Filipinas ang letsón (lechon sa Español) bilang espesyal na handa sa mga pagdiriwang, bagaman may ordinaryong letsong kawali, adobo, kaldereta, at iba pang luto sa karneng baboy. Ang tinatawag na “native” o katutubong baboy ay napakaliit kapag ikinompara sa Landrace at iba pang lahi na maramihang inaalagaan para sa pandaigdigang konsumo. (VSA)