Azím ud-Din I

 

Si Muhámmad Azím ud-Din I, isinusulat ding Muhámmad Alimuddín, ay sultan ng Sulu at Sabah sa panahong 1735–1748 at panahong 1763–1773. Anak siyá ni Sultan Badar ud Din I at nag-aral sa Batavia (Jakarta ngayon). Doon siyá natuto ng Arabe at Malay at naging dalubhasa sa Koran. Bumabâ ng trono para sa kaniya ang kaniyang ama dahil sa katandaan noong 1732 ngunit pormal siyáng kinilálang sultan noong 1735 nang umatras ang kaniyang pinsang si Nasar ud-Din. Mahalaga siyá sa mga pinunò ng Sulu dahil lahat halos ng datu ngayon ay nakaugnay sa kaniyang angkan.

 

Nagkaroon ng malaking intriga nang diumano’y pahintulutan niyang makapasok sa kaniyang teritoryo ang mga misyonerong Heswita. Nag-alsa ang mga pandita. Sapilitan siyáng pinalitan ng kapatid na si Bantilan bílang sultan at umalis siya ng Jolo kasáma ang pamilya at ilang alagad. Dumating siyá sa Cavite noong 2 Enero 1749 at pinarangalan ng mga Español. Noong 1750, nakumbinsi siyá ni Gobernador Juan de Arechederra, na obisbo din ng Nueva Segovia, na magpabinyag. Naganap ito noong 29 Abril 1750. Pinangalanan siyáng Fernando de Alimuddin I, at maituturing na unang sultan ng Sulu na naging Kristiyano.

 

Pinangakuan siyá ng mga Español na ibabalik sa kapangyarihan, ngunit pinaghinalaan ang katapatan kayâ ipiniit noong 1751 sa kasalanang pagtataksil. Sa isang bersiyon, nabilanggo siyá hanggang sakupin ng mga Ingles ang Maynila. Tinulungan siyá ng mga Ingles na mabawi ang kapangyarihan noong 1763. Sa ikalawang bersiyon, nagpalit diumano ng gobernador noong 1754. Higit na mabuti ang ginawang trato ni Gobernador Pedro Manuel de Aranda kay Azim ud-Din. Binigyan pa siyá ng pensiyon at pinayagang makabalik sa Jolo.

 

Noong Nobyembre 1773, iniwan niya ang trono para sa kaniyang anak na si Israil. Hindi maliwanag kung tunay siyáng nagpalit ng relihiyon. Nang bumalik siyá sa Sulu ay masayáng tinanggap siyá ng mga sákop at namuhay nang isang Muslim hanggang mamatay. (VSA)

Cite this article as: Azim ud-Din I. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/azim-ud-din-i/