ayuntamyento

 

 

The Ayuntamiento Building in Intramuros, Manila. (Photo from NCCA Official Flickr)

Ayúntamyénto (ayuntamiento sa Español) ang tawag sa sangguniang panlungsod na itinatag ng mga Español. Sa balangkas ng organisasyon ng ayuntamyento, pina- mumunuan ito ng dalawang alkaldeng napapailalim sa awtoridad ng gobernador-heneral o ng alkalde mayor ng probinsiya. Kasáma ng alkalde ang labindalawang konse- hal at mga opisyal na gaya ng alguwasil o hepe ng pulisya at eskribano na tagahawak ng mga talaan.

Matapos ang ika-17 siglo, nakapagtatag ang mga Espa- ñol ng anim na lungsod sa Luzon at Kabisayaan: Maynila, Cebu, Vigan, Nueva Segovia (Lal-lo, Cagayan), Arevalo (Iloilo), at Nueva Caceres (Naga). Maliban marahil sa Nueva Segovia, hanggang sa kasalukuyan ay tumatayông sentro ang mga ito ng kultura, politika, kalakalan, at reli- hiyon sa kani-kanilang  rehiyon.

Ang ayuntamyento ay tumutukoy rin sa casas consistoria- les, isang gusali na matatagpuan sa Aduana, Intramuros sa Maynila. Itinatag ang nasabing estruktura noong 1738, at matapos masira ng isang lindol ay muling itinayô noong 1879. Ginamit na gusali ito ng Asamblea ng Filipinas noong panahon ng mga Americano. (MBL)

Cite this article as: ayuntamyento. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ayuntamyento/