ayúngin
Philippine Fauna, fish, aquatic animals, endemic species, protected species
Ang ayúngin (Leiopotherapon plumbeus) ay kabílang sa pamilya Terapontidae. Ito ay katutubo sa Filipinas at matatagpuan sa mga tubig tabáng sa Luzon. Nanganganib na maubos ang populasyon ng ayungin.
Ang katawan ng ayúngin ay maliit at kulay pilak. Ito ay may karaniwang habà na 15.9 sentimetro. Kadalasan ang babae ay mas malaki kaysa lalaki. Lumalangoy nang magkakasáma at magkakalapit ang mga ito upang maiwasang makain ng mga dalag at ahas sa tubig. Kumakain ito ng hayop at halamang tulad ng plangkton, maliit na hipon, itlog ng mga isda, lumot, at insekto.
Ang ayúngin ay kilaláng nahuhúli sa mga lawa ng Laguna at Taal. Ito ay hinuhúli sa pamamagitan ng bingwit, na ginagamitan ng pinakamaliit na kawit dahil sa napakaliit na bibig. Walang kabuluhang gumamit ng lambat sa panghuhúli dahil ito ay lumalangoy sa gitnang bahagi ng tubig. Ang pinakamainam na pain ay ang maliliit na hipon na kung tawagin ay yapyap.
Bagama’t maliit, mataas ang pangangailangan para dito dahil sa malasang laman kompara sa ibang isda na nahuhúli sa tubig tabang. Depende sa panahon, ang presyo ng sariwang ayungin ay PhP300 bawat kilo samantalang ang idinaeng naman ay PhP200 hanggang PhP800 bawat kilo. Noong araw, maraming ayungin ang nahuhúli sa mga ilog at look. Sa kasalukuyan, madalang nang makitang ibinebenta ang ayungin sa mga palengke. Upang protektahan at pigilan ang tuluyang pagkaubos nitó at ng iba pang isda na katutubo sa Filipinas, ipinalabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang Fisheries Administrative Order 233-1 noong 2010. (MA)