Lamberto V. Avellana
(12 Pebrero 1915–25 Abril 1991)
National Artist for Theater and Film
Si Lamberto V. Avellana (Lam·bér·to Vi A·vel·yá·na) ay isang mahusay na direktor sa teatro at pelikula. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Pelikula noong 1976.
Sa pelikula, tagapanguna siyá sa sinematikong paraan ng punto-de-bista at mise-en-scene sa paggamit ng kamera. Inihatid din niyá sa iskrin ang mga imahen at naratibo ng tunay na buhay ng pangkaraniwang tao, ang kanilang realidad at pagsisikap mabuhay, at sa gayong paraan ay naghandog siyá ng salungat na tunguhin laban sa purong komersiyalismo ng pelikula.
Kinilála ng mundo ang kaniyang mga pagsisikap: ang Anak Dalita (1956) ay nagkamit ng Grand Prix bilang pinakamahusay na pelikula sa Asian Film Festival sa Hong Kong; ang Badjao (1957) ay nagbigay sa kaniya ng gawad para sa pinakamahusay na direktor at tatlo pang medyor na parangal sa Asian Film Festival sa Tokyo; nagwagi ng Conde de Foxa Award sa Bilbao, Spain, ang El Legado (1960); ang, La Campana de Baler (1961) ay nagwagi rin ng Conde de Foxa Award, medalyang pilak. Si Avellana rin ang unang Filipinong nagtanghal ng obra sa Cannes International Film Festival, Ang Kandelerong Pilak (1954). Tampok sa kaniyang mga obra maestra ay ang pagsasapelikula ng ilang mga klasikong dula: ang A Portrait of the Artist as Filipino (1965) ni Nick Joaquin at Walang Sugat ni Severino Reyes.
Ipinanganak siyá noong 12 Pebrero 1915 kina Dr. Jose Avellana at Rita Vera. Napangasawa niyá ang Pambansang Alagad ng Sining din na si Daisy Hontiveros at may tatlo siláng anak Jose Mari, Marivi, at Lamberto Jr. Ang marubdob na pag-ibig sa dulaan ni Avellana ay nagsimula noong estudyante pa lámang siyá ng Ateneo. Siyá ang gumanap na Joan of Arc noong 1935 para sa Diamond Jubilee ng Ateneo sa direksiyon ni Fr. Henry Lee Irwin, S.J. Siyá rin ang katulong na direktor ni Fr. Irwin hábang gumanap na bida sa dula. Sa Ateneo siyá nagtapos ng Batsilyer sa Sining, magna cum laude.
Panandang-bato sa teatro sa bansa ang 1 Marso 1939, nang itinatag ng mag-asawang Lamberto at Daisy at ng may 50 kapanalig na mga aktor, musiko, mananayaw, manunulat, pintor, arkitekto, eskultor, at propesor ang Barangay Theater Guild (BTG). Nagkamit siyá ng maraming parangal bago sumakabilang-buhay noong 25 Abril 1991. (RVR)