Daisy Hontiveros Avellana
(26 Enero 19170–12 Mayo 2013)
Tinaguriang “Unang Ginang” ng Teatrong Filipino si Daisy Hontiveros Avellana (Déy·si On·ti·vé·ros-A·vel·yá·na). Isa siyáng aktres, direktor, prodyuser, at manunulat para sa teatro, radyo at pelikula. Lourdes Genoveva Dolores Pardo Hontiveros-Avellana ang kaniyang buong pangalan. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 1999.
Walang katulad sa husay ang pagganap niyá bilang Candida Marasigan sa dula at pelikulang Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin. Binigyang-buhay rin ni Daisy sa entablado ang tauhang si Doña Lupe (1978) ni Nick Joaquin sa Tatarin; sina Lady Macbeth (1959) at Desdemona (1953) ni William Shakespeare; si Bernarda Alba (1967) ni Federico Garcia Lorca; si Joan of Lorraine (1954) ni Maxwell Anderson; si Mary Tyrone (1958) ni Eugene O’Neil; sina Medea, Eleanor of Aquitaine, Sarah Bern- hardt; at, marami pang karakter ng mga dulang lokal at inangkat.
Katuwang siyá ng kaniyang asawa na si Lamberto Avellana at may limampung kapanalig sa pagtatatag ng Barangay fteatre Guild (BTG) noong 1939. Ang BTG ang unang organisasyong panteatro sa Filipinas. Ang una niyáng akda para sa pelikula ay ang Sakay, na ginarawang pinaka- mahusay na iskrip noong 1939. Sumulat din siyá ng mga pinaikling dula na halaw mula sa Wuthering Heights, Joan of Lorraine, at Cradle Song na isinahimpapawid sa mga programa ng DZPI, DZHF at DZRP. Idinirihe para sa teatro ni Daisy ang Diego Silang (1968), at Walang Sugat (1971-1972).
Tubòng-Lungsod Roxas, Capiz, ipinanganak siyá noong 26 Enero 1917 at panganay sa magkakapatid na walong lalaki at dalawang babae nina Huwes Jose Hontiveros, huwes ng Korte Suprema, at Vicenta R. Pardo-Hontiveros. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas (1937), Master sa Sining sa UST (1938). Nagsanay siyá ng mga estudyante ng drama at nagdirihe ng mga dula sa Centro Escolar University (1938), St. Paul College (1949-1961), St. Teresa’s College, at iba pang kolehiyo. Namatay si Avellana noong 12 Mayo 2013 sa edad na 96. (RVR)