Librada Avelino

(17 Enero 1873–9 Nobyembre 1934)

Si Librada Avelino (Li·brá·da A·ve·lí·no), kilalá ring Maestra Ada, ay isang natatanging guro sa Filipinas. Isa siyá sa mga naging tagapagtatag ng kinikilála ngayong Centro Escolar University.

 

Isinilang siyá noong 17 Enero 1873 sa Quiapo, Maynila kina Pedro Avelino, isang parmasyutiko, at Francisca Magali. Sa edad na 16, siyá ang pinakabatà na nakatapos ng kurso sa pagtuturo noong panahon ng mga Español. Naipasa niya ang eksamen ng pamahalaan para sa mga guro ng mababàng paaralan sa naturang edad at nagpamalas ng husay sa pagtuturo. Kumuha siyá ng isa pang diploma sa Normal School for Women dahil ambisyon niyang makapagturo sa sekundarya. Noong unang bahagi ng pananakop ng Americano, nagtatag siyá ng isang pribadong paaralan sa Maynila ngunit hindi naging matagumpay dahil sa kakulangan sa mga klase sa Ingles. Pumasok siyá sa mga summer school sa Maynila at Hong Kong upang linangin ang sarili sa wikang Ingles. Matapos nitó, ginawa siyáng prinsipal sa isang pampublikong paaralan para sa mga babae sa Pandacan. Siyá ang unang prinsipal na Filipina sa pampublikong paaralan sa Panahon ng Americano.

 

Isa rin siyang patriyota. Nagprotesta siya sa isang lektura ni Prescott F. Jernegan hinggil sa mga rebolusyonaryong Filipino. Ipinagtanggol niyang hindi silá mga bandido at sa halip ay mga patriyotang gaya rin ng mga sundalo sa Rebolusyong Americano. Nagprotesta rin siyá sa panghihimasok ng isang Americanong opisyal ng paaralan sa kaniyang gawaing pampaaralan, na nagdulot ng unang naitalang walkout ng mga estudyante bílang suporta sa kanilang guro.

 

Noong 1907, kasáma sina Carmen de Luna at Don Fernando Salas, itinatag niya ang unang eskuwelahang pambabae na nasyonalistiko at non-sectarian sa Filipinas. Tinawag itong Centro Escolar de Señoritas at siyá ang naging direktor nitó. Tinawag ito kalaunan na Centro Escolar University. Pinarangalan siyáng Master of Pedagogy, honoris causa ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1929 para sa kaniyang naging mahalagang kontribusyon sa edukasyon sa bansa. Siyá ang unang babaeng tumanggap ng naturang karangalan. Namatay siyá sa kanser sa tiyan noong 9 Nobyembre 1934. Ipinangalan sa kaniya ng Centro Escolar University ang Librada Avelino Memorial Awards para sa mga natatanging babaeng lider sa Asia. (KLL)

Cite this article as: Avelino, Librada. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/avelino-librada/