Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM)

Ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay isang espesyal na rehiyong iniukit sa Min- danao at karatig pulo para sa pamamahala ng mga pook na Muslim ang nakararaming mamamayan. Una itong nilikha noong 1 Agosto 1989 sa bisà ng Batas ng Republika Blg. 6734 bílang pagtupad sa tadhanang konstitusyonal hinggil sa bagay na ito. Isang plebisito ang ginanap sa mga lalawigan at bayan sa Mindanao upang malaman kung nais ng mga residente na maging bahagi ng ARMM. Apat na lalawigan ang bumotong maging bahagi ng rehiyong awtonomo, ang Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, at Tawi-Tawi, at pinasinayaan ang ARMM noong 6 Nobyembre 1990 sa pansamantalang kapitolyo nitó sa Lungsod Cotabato, bagaman hindi ito saklaw ng ARMM.

Noong 2001, pinalaki pa ang ARMM ng RA 9054. Sa isang plebisito, bumotong bahagi ng ARMM ang Lung- sod Marawi at ang lalawigan ng Basilan (maliban sa Lungsod Isabela). Noong 2006, isang bagong lalawigan, ang Shariff Kabungsuan, ang inihiwalay sa Maguindanao at naging ikaanim na probinsiya sa loob ng ARMM. Gayunman, naglahò ang Shariff Kabung- suan noong 2008 nang ideklara  ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang batas na pinag-batayan ng pagkalikha sa probinsiya

Ang paglikha ng ARMM ay bunga ng mahabàng kasay- sayan ng pagtutol ng mga Muslim sa Mindanao na mag- ing bahagi ng Filipinas mula pa noong pananakop na Es- pañol. Hindi lubos na napailalim ang mga Muslim kahit sa panahon ng mga Americano. Noong mga taóng 1970 ay lumubha ang kaguluhan sa pook dahil sa separatistang Moro National Libration Front (MNLF). Napilitang magpahayag si Pangulong Marcos ng isang awtonomong rehiyon sa Katimugang Filipinas ngunit tinanggihan ito sa isang plebisito.

Sa kabilâ ng ARMM, mailap pa rin ang kapayapaan sa buong Mindanao. Napalitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang MNLF bílang pan- gunahing puwersang sandatahan. Aktibo ang mga terorista sa pangunguna ng pangkating Abu Sayy- af. Samantala, maraming lumitaw nang kaso ng malubhang korupsiyon sa pamahalaang ARMM. Sangkot ang maraming pook ng ARMM sa mala- wakang dayaan nitóng nakaraang mga pambansang halalan. Nitóng Hunyo 2012, ipinatigil ang rehistrasyon para sa eleksiyon sa ARMM dahil kailangang linisin ang listahan ng mga botante. Gayunman, patuloy ang negosasyong pangkapayapaan para mapahusay ang pamamahala sa buong rehiyon at maipatupad ang mga programang  pangkaunlaran. (VSA

Cite this article as: Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/autonomous-region-in-muslim-mindanao-armm/