Jose Maria Asuncion

(14 Disyembre 1869–2 Mayo 1925)

Isang kinikilálang pintor, naglingkod sa hukbong re- bolusyonaryo, at isa sa unang guro sa pintura sa UP School of Fine Arts, isinilang si Jose Maria Asuncion (Ho·sé Ma·rí·ya A·sun·syón) noong 14 Disyembre 1869 sa Sta. Cruz, Maynila kina Hilarion Asuncion at Marcela Reymundo. Isang mang-uukit sa kahoy ang kaniyang ama at anak ito ng bantog na si Leoncio Asuncion. Nagtapos siyá ng batsilyer sa Ateneo de Manila at nag-aral sa Aca- demia de Dibujo y Pintura. Tinangkilik siyá ni Agustina Medel, may-ari ng Teatro Zorilla, hábang nag-aaral sa Paris noong 1890. Doon niya nakilála sina Juan Luna at Feliz R. Hidalgo. Lumipat siya sa Madrid at nag-aral sa Escuela de Bellas Artes, 1891-1895. Tumanggap siyá ng ilang premyo hábang nag-aaral. Bumalik siyá sa Maynila noong 1895 at naging assistant sa Escuela Profesional de Artes y Oficio sa Iloilo hanggang Nobyembre 1898.

Lumahok siyá sa ikalawang yugto ng Himagsikang Filipi- no at naging tagapangasiwa ng suplay ng hukbo sa Iloilo. Nalipat siyá sa pagtatayô ng tanggulan sa Jaro, La Paz, at ibang pook, at naging kapitan noong Pebrero 1899. Pagkatapos ng Digmaang Filipino-Americano, isináma niya  ang  asawang  si Juana Hubero sa Calbayog, Samar at pagkatapos, sa Tacloban, Leyte. Apat na taón siyá doon na nagpipinta ng tanawin at talon, at pumasok sa potogra- piya para kumita. Bumalik siya sa Maynila noong 1905, nag-aral ng abogasya, naging miyembro ng Partido Inde- pendista, at nagsulat sa iba’t ibang peryodiko.

Nang buksan ang University of the Philippines School of Fine Arts, tinanggap ni Asun- cion ang pagiging guro noong 1 Hunyo 1909 at naging kalihim nitó noong 1911. Itinuturing siyá ni Fabian de la Rosa na natatanging espesyalista sa still life. Ang mga pag- aaral niya sa kasaysayan ng sining sa Filipinas at dibuho ng mga tradisyonal na kasuotan ay itinuturing na napaka- halaga sa naturang mga paksain. Namatay siyá noong 2 Mayo 1925. (GVS)

Cite this article as: Asuncion, Jose Maria. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/asuncion-jose-maria/