asúkal

sugar, dessert, food, cuisine, Filipino cuisine

 

 

Ang asúkal, mula sa Español na azucar, ay produkto mula sa tubó, sugar beet, at nakukuha rin sa prutas, pulút, at sorghum. Karaniwang ti-natawag na asukal ang kristalinang mga munt-ing butil mula sa katas ng tubó, kinakain, at matamis. Sa wika ng siyentipikong nutrisyon, may tatlong uri ito: ang sucrose, lactose, at fructose. Ang sucrose na karaniwang ginagamit na asukal na pantimpla sa kape at pag-kain sa mesa ay makukuha din sa pulút, bungangkahoy, at pakwan at milon. Ang lactose ay karaniwang makukuha sa gatas, samantalang ang fructose ay makukuha sa ibang pagkaing gaya ng prutas. Ang asukal ay itinuturing na carbohydrate at may 15 kalori bawat kutsarita. Ang carbohydrate ay nagdudulot ng lakas sa utak at sa mga masel ng tao.

 

Ang tubó ay isang uri ng damo na malaganap sa Asia. Ga-yunman, tinatanggap na nagmula ang paggawa ng asukal sa India. Sinasabing iniuwi ito sa Europa ni Alejandro ang Dakila mula sa pagsakop ng India. Sa ika-12 siglo, naglu-luwas na ng asukal ang Venice. Dinalá ito ni Columbus sa America, nagkaroon doon ng malakihang plantasyon ng tubó, at nagbunga ng pag-angkat ng alipin mulang Africa.

 

Nagmula ang salitâng asukal sa Arabeng sukkar na nag-mula sa Persang shakar na nagmula naman sa Sanskritong sharkara. Sa India, tinatawag itong khanda na pinagmulan ng Ingles na candy.

 

Nagkaroon ng malalaking plantasyon ng tubó sa Fili-pinas noong panahon ng Español at nanatili hanggang ngayon sa Negros at Tarlac na may malalaking asukarera. “Kabyáw” o “kabyáwan” ang tawag sa gilingan ng tubó at mula dito ang pangalan ng Cabiao, Nueva Ecija. Sa ngayon, ang binutil na asukal ay putî o repinado at pulá (brown sugar sa Ingles). Higit na malalaki ang butil ng muskobádo (muscovado). May inihuhulma ding katas ng tubó sa bao ng niyog at tinatawag na panotsá. May ken-di ng asukal na may niyog at tinatawag na bukayò. Ang karamélo (caramelo) ay nilutong asukal at kung minsan ay hinahaluan ng vanilla at butter. “Minatamís” ang tawag sa himagas dahil karaniwang maasukal. Hinihigpitan ngay-on ang pagkaing maasukal dahil pinagmumulan ito ng pagkasirà ng ngipin, labis na pagtabâ, at diyabetes. (VSA)

Cite this article as: asúkal. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/asukal/