aspálto

asphalt, construction materials, chemistry

Ang aspálto, karaniwang tinatawag na bitumen sa Eu-ropa, ay pinaghalò-halòng alkitran, bato, buhangin, at apog. May melting point o antas ng pagkatunaw ito na 54–173°C at boiling point o antas ng pagkulo na higit pa sa 3000°C. Dahil na rin sa madikit at malapot nitóng katangian, ang aspalto ay ginagamit na pantambak sa kalye, pantapal sa bubong, at proteksiyon sa mga produkto para hindi pasukin ng tubig o waterproof. Ginagamit din ito bilang pangunahing materyales sa mga pinturang hindi nakasisira sa metal.

Ang natural na anyo ng aspalto ay nabuo mula sa mga patay na algae na naipon sa ilalim ng dagat. Sa matinding init at bigat ng pagkakabaón sa putik sa matagal na panahon, nagbabago ang kemikal na komposisyon ng patay na algae hanggang naging aspalto. Madalîng matunaw ang aspalto pag inihalò sa carbon disulfide. Dinadagdagan ito ng kerosin o langis kung kailangang ibiyahe nang malayò para manatili ang tamang lapot. Kailangan ding manatili ang temperatura ng kinalalagyan nitó sa 150°C. Ang purong aspalto ay mabilis masúnog. Kayâ kapag inabot ng apoy, hindi ito dapat gamitan ng tubig kundi ng carbon dioxide, dry powder, o foam.

Una at higit na nakilála ang aspalto bílang pang-ayos ng lansangan. Itinuring na malaking asenso at ginhawa noon ang mga aspaltadong daan mula sa dáting maalikabok at lubak-lubak. Ang reputasyong ito ng aspalto ay nahalinhan ng sementadong lansangan nitóng ika-20 siglo. Gayunman, ginagamit hanggang ngayon ang aspalto sa pagsasaayos ng nagbitak o naukang sementadong kalye. May naniniwala din na higit na angkop ang aspaltadong daan sa klima ng Filipinas kaysa sementadong konstruksiyon, lalo na sa mga pook na malimit binabahâ at malambot ang lupa. (CID)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: aspálto. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/aspalto/