asóla

Philippine Flora, ecology, plants, agriculture, animal feeds, aquatic plants, herbs

Ang asóla o azolla ay kimpal ng yerbang pantubig na may mali-it na sanga, at payát ang mga ugat. May pangalang siyentipiko ito na Azolla pinnata. Katutubo ito sa Fili-pinas, at matatagpuan din sa ilang bahagi ng Africa, Asia at Australia. Dalawampu hanggang 30 bahagdan ng asóla ay protina kayâ idinadagdag din ito sa patuka ng manok.

Nabubúhay ang asóla sa tahimik at may mabagal na agos na anyong-tubig, dahil sinisira ng malakas na agos o alon ang halaman. Humahabà nang hanggang 2.5 sentimetro ang patatsulok nitóng sangang maberde na lumulutang sa tubig. Tinutubuan ang sanga-sanga nitó ng bilugan o may kantong mga dahon na nagpapatong-patong at may habàng isa hanggang dalawang milimetro. May kulay na berde ang dahon nitó, na mangasul-ngasul, o kung minsa’y madilim na pulá na nababalutan ng maliliit na tila buhok kayâ may datíng itong tila tersiyopelo. Dahil sa mabuhok na rabaw ng dahon kayâ ito hindi napapasok ng tubig at lumulutang kahit itulak pababâ sa tubig. Inilalayô rin nitó ang asóla sa ibang mga halaman. Nagtataglay ang dahon nitó ng cyanobacterium Anabaena azollae na tumutulong sa pagsasaayos ng nitroheno sa atmospera upang magamit ng halaman. Tinutulungan nitó ang asóla na mamuhay sa mga lugar na may mababàng nitroheno. Humahabà naman ang ugat nitó pailalim sa tubig.

Madalas na ituring na peste ng daang-tubig ang asóla dahil binabawasan nitó ang oksiheno sa tubig. Samantala, pinatutubò naman ito ng mga magsasaka sa kanilang taniman ng palay dahil nga tumutulong ito sa paglikha ng nitroheno, na nakatutulong naman sa pagpapataba ng lupa. May kakayahan din ang asóla na sumipsip ng polusyong metal, tulad ng tingga, sa tubig. (ECS)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: asóla. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/asola/