áso

fauna, dog, animal domestication, canine, mythology, Philippine mythology, rabies, folklore

Isang hayop na naaalagaan ang áso (Canis lupus familia-ris), tinatawag na dog sa Ingles at perro sa Español, at may iba’t ibang lahi, laki, at gamit sa tao. Sa taksonomiyang siyentipiko, ang áso ay subspecies ng gray wolf (Canis lupus) na miyembro ng pamilyang Canidae sa order na Carnivora ng mamalya. Ang domestikadong áso ngayon ay ipinalalagay na nagmula sa gray wolf mga 15,000 taón na ang nakararaan, bagaman may mga fosil ng domestikadong áso na natagpuan sa Siberia at Belguim na may edad na 33,000 taón. Maaaring ang áso ang unang hayop na inalagaan at ginamit sa iba’t ibang gawain, mula sa panghuhúli ng ibang ilahas na hayop (“pangangáso” sa Tagalog), paghila ng mabigat na bagay, pagpapastol ng kawan, bantay kung gabi, at kasa-kasáma sa bahay at paglalakbay.  Kayâ  tinawag  itong “Man’s Best Friend” sa Kanluran. Ngayon, ginagamit itong patnubay ng may kapansanan, tagaamoy ng droga at anumang hinahanap ng pulisya. Espesyal din itong putahe sa ilang bansa, gaya sa tinatawag na “asuséna” ng mga lasenggo sa Filipinas, sa kabilâ ng paghihigpit ng batas laban sa pagkain ng áso.

Sa mitolohiyang Griyego, si Cerberus ay isang áso na may tatlong ulo at bantay ng tarangkahan ng Hades. Sa mitolohiyang Filipino, si Kimat ay alagang áso ni Tadaklan, ang bathala ng kulog. Ang áso ay sagisag ng katapatan sa Kristiyanismo. Sa Islam, ang áso ay tinitingnang marumi. Sa mga bansang Asiano, gaya ng China, Korea, at Japan, itinuturing ang áso na tagapagtanggol.

May mga lahi ng áso na bantog sa tapang, gaya ng bulldog, at trabaho, gaya ng German Shepherd at Saint Bernard. Pinakamaliit na áso ngayon ang Yorkshire Terrier, pinakamalaki ang English Mastiff, at pinakamataas ang Great Dane. Dahil sa modernong paraan ng pagpapalahi ay nagkakaroon ngayon ng mga áso na iba-iba ang itsura at ugali. Ang sukat ng Chihuahua ay naglalaro sa anim na pulgada hanggang 2.5 talampakan. Ang kulay ng Irish Woldhound ay naglalaro sa putî, abuhin, hanggang itim. May mga klinika ngayon para sa alagang áso. Ipinakabibilin ang pag-iingat na makagat ng áso. Kailangan ding pabakunahan ang alaga laban sa mga sakít at kamandag na naisasalin sa tao. (VSA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: áso. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/aso/