arróz ala valenciána
Food, cuisine, Filipino Cuisine, recipe, rice
Ang arróz ala valenciána, na kilalá ring arósbalensiyána, at balensiyána, ay lutong kanin na hinaluan ng karne at iba pang pampalasa. Akmang-akma ang putaheng ito sa hilig ng mga Filipi-no sa kanin. Dahil sa pagiging hitik nitó sa sahog—pinagsáma na itong kanin at ulam—at dahil hindi rin ganoon kahi-rap ang paghahanda nitó nang maramihan, malimit ihain ang arroz ala valenciana sa mga okasyong tulad ng pistang-bayan o bangketeng pampamilya. Puwede rin itong isilid sa mga lalagyan bílang pambóon o pampiknik. Maituturing itong kapatid ng isa pang paborito ng Pinoy, ang paélya, at tulad ng nabanggit ay nagmula sa lutuing Español.
Ginagamitan ito ng malagkit o regular na kanin, karne ng manok, tsoriso, at iba pang sahog na tulad ng patatas, sili, at nilagang itlog. Nakaugalian ding ihalò ang gatas ng niyog. Maaari itong lagyan ng serbesa o putîng alak bílang dagdag pampalasa. Sa dami ng kanin at laki ng kawaling ginagamit, natututong ang mga gilid at ilalim ng arroz ala valenciana samantalang nanatiling basâ at malambot ang nása gitna. Malimit na pag-agawan ng mga kakain ang masarap at malutong na tutong! (PKJ)