árras

weddings, customs, traditions, wedding traditions

 

 

Tinatawag ding mga “baryang pangkasal” ang árras binubuo ito ng labintatlong gintong barya na ini-hahandog ng lalaki sa babae sa loob ng seremonya ng kasal na Kristiyano. Mala-ganap ang kaugaliang ito sa España (kayâ isang salitâng Español ang arras), America Latina, at Filipinas. Ang orihinal diumanong kahulugan nitó ay “paunang-bayad,” “presyo ng nobya,” o “yaman ng nobya.” Ngunit sa seremonya ng kasal, nangangahulugan ito ng mahigpit na pagkakaisa. Kalakip ng inihahandog na arras ang sumpa ng nobyo na idulot ang lahat ng pangangalaga para sa pangangailangan ng bagong pamilya.

 

Sa España, nakalagay ang arras sa isang munti’t may deko-rasyong kahon na tinatawag na madrina de arras. Sa Fili-pinas, inilalagay ang mga gintong barya sa isang lukbutan o basket. Binabasbasan muna ito ng pari bago ibuhos ng nobyo sa nakabukás na mga palad ng nobya. Bakit labin-tatlo ang barya? Sumasagisag diumano kay Kristo at sa labindalawang apostoles.

 

Inuugat ang arras sa matandang kaugalian kaugnay ng “dóte.” Bahagi noon pa ng pag-iisang-dibdib sa Filipinas ang pagbibigay ng “bigay-káya” na binubuo ng salapi o ari-arian mula sa isang panig ng mga pamilya ng ikakasal. Sinasabing mula ang arras sa pagbibigayan ng gintong singsing sa lipunang Visigoth. Sa sinaunang Roma, ba-hagi ng kasal ang pagbiyak sa ginto o pilak sa dalawang piraso upang paghatian ng ikinakasal. Sa matandang Es-paña, ang paghahandog ng mga barya ay kumakatawan sa dote para sa nobya at isang sagisag tungo sa mabilis na prosperidad ng mag-asawa. (VSA)

 

Cite this article as: árras. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/arras/