aroskáldo

Food, cuisine, recipe, Filipino Cuisine, rice

 

 

Mula sa Español na arroz caldo, ang aroskáldo ay nilutong bigas na may sabaw at sahog na manok at luya. Sa malawak na paraan, isang uri ito ng lúgaw (porridge o congee sa Ingles) na nilutong bigas (kánin sa Tagalog) na may sabaw at sahog. Pinakasimpleng lugaw ang walang anumang sahog. Karaniwang ipinakakain ito sa maysakit. Ngunit sa pagtakbo ng panahon ay lumitaw ang mga lugaw na may iba’t ibang sahog. May lugaw na may sahog na isda, hibi o hebe, itlog, at karne.

 

Ang lugaw na may lamáng-loob (bituka at kalyos) ng báka ay tinatawag na “góto.” Ang lugaw na may tokwa at baboy ay malimit na tawaging “tókwa-báboy” (itinatawag din ito sa putaheng walang lugaw at nakababad sa toyo). Hindi malinaw kung naimbento lámang ang aroskaldo noong panahon ng kolonyalismong Español. Ngunit itinutur-ing itong higit na espesyal na lugaw at paboritong ihanda bílang putaheng panghatinggabi sa Bagong Taon. Bago kainin ang lugaw, malimit na tinitimplahan ito ng patis, toyo, bawang, paminta, o kalamansi.

 

Malaganap ang lugaw sa mga bansang bigas ang pangu-nahing pagkain sa Asia. Tinatawag itong xifan sa China, okayu sa Japan, juk sa Korea, at ganji sa India. (VSA)

 

Cite this article as: aroskáldo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/aroskaldo/