Juan M. Arellano

(25 Abril 1888–5 Disyembre 1960)
One of the most prominent Filipino architects in history; best known for designing the Metropolitan Theater and Legislative Building.

Si Juan M. Arellano (Hu·wán eM A·rel·yá·no) ang isa sa pinakamahusay na arkitekto sa kasaysayan ng Filipinas. Marami sa kaniyang mga gusaling nananatiling nakatayô ang itinuturing na dakilang sagisag ng arkitektura at sining na Filipino. Kilalá siyá sa paggamit ng estilong Neoklasiko at Art Deco sa kaniyang mga obra.

Ilan sa mga tanyag na likha ni Arellano ay ang: Metropolitan Theater (1935), Maynila; Legislative Building (1926, ngayon ay kilalá bílang Old Congress Building at tahanan ng Pambansang Museo), Maynila; Manila Central Post Office (1926), Maynila; Negros Occidental Provincial Capitol (1936), Bacolod; Cebu Provincial Capitol (1937), Cebu; Bank of the Philippine Islands Cebu Main Branch (1940), Cebu; Misamis Occidental Provincial Capitol (1935), Oroquieta; Jones Bridge (1916; nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pinalitan ng bagong Jones Bridge); Center for West Visayan Studies and Museum, UP Visayas (dating Iloilo City Hall), Iloilo; Jaro Municipal Building (ngayon ay tahanan ng pulisya sa Jaro), Iloilo; Malcolm Hall, UP Diliman (Lungsod Quezon)

Isinilang siyá noong 25 Abril 1888 sa Tondo, Maynila kina Luis C. Arellano at Bartola de Guzmán. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila. Una niyang hilig ang pagpipinta, at nagsanay siyá sa ilalim nina Lorenzo Guerrero, Toribio Antillon, at Fabian de la Rosa. Pinilì niyang hasain ang talino sa ibang uri ng sining at ipinadalá sa Estados Unidos bílang isa sa mga unang pensiyonado sa larang ng arkitektura. Noong 1911, pumasok siyá sa Pennsylvania Academy of the Fine Arts bago lumipat sa Drexel Institute upang tapusin ang kaniyang digri. Nag- trabaho muna siyá sa Lungsod New York bago umuwi sa Filipinas. Nanungkulan siyáng supervising architect ng Kawanihan ng Pagawaing Bayan kasáma si Tomas Mapua. Bukod sa mga proyektong nakalista sa itaas, lumikha siyá at si Harry Frost ng disenyo para sa Lungsod Quezon, na siyáng magiging bagong kabisera ng bansa. Nagkaroon siyá ng isang anak sa asawang si Naty Ocampo. Ilang taón bago pumanaw, bumalik siyá sa pagpipinta at nagtanghal ng mga obra sa Manila YMCA. Pumanaw siyá noong 5 Disyembre 1960. (PKJ)

 

Cite this article as: Arellano, Juan M.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/arellano-juan-m/

Related Articles