Deodato Arellano
(26 Hulyo 1844–7 Oktubre 1899)
Filipino patriot; one of the founders and the first president of the Katipunan
Si Deodato Arellano (De·yo·dá·to A·rel·yá·no) ay isang patriyotang Filipino, isa sa mga tagapagtatag ng Katipunan, at naging pangulo nitó.
Ipinanganak siyá sa Bulacan kina Juan at Mamerta de la Cruz. Pinalitan ng pamilya ang kanilang apelyido bílang Arellano nang ideklara ng pamahalaang Español noong 1849 na palitan ng mga katutubo ang kanilang apelyido alinsunod sa mga nakalagay sa direktoryo ng Madrid. Nag-aral siyá ng bookkeeping sa Ateneo Municipal de Manila at kalaunan ay nagtrabahong katulong na klerk sa Maynila. Ikinasal siyá kay Hilaria del Pilar, kapatid ni Marcelo H. del Pilar.
Kasáma ng mga del Pilar, siyá ay naging aktibong Mason. Naging tagakalap siyá ng salapi para sa mga Filipino sa España nang kinailangan ni Marcelo H.del Pilar na tumakas patungong España dahil sa pinaghihinalaang mga subersibong artikulo na lumabas sa Diariong Tagalog.
Noong 1892, sumáma siyá sa La Liga Filipina, na itinatag ni Jose Rizal at naging kalihim siyá ng samahan. Noong 7 Hulyo 1892, nang ideklara ang pagpapatápon kay Rizal sa Dapitan, itinatag niya kasáma sina Andres Bonifacio, Ladislao Diwa, Teodoro Plata, Valentin Diaz, at Jose Dizon ang Katipunan. Inihalal siyáng unang pangulo ng Katipunan. Nang sumiklab ang Himagsikan noong Agosto 1896, nagpunta si Arellano sa Bulacan upang sumáma sa brigada ni Gregorio del Pilar.
Nakipaglaban din siyá sa Bulacan noong Digmaang Filipino-Americano. Nagkaroon siyá ng tuberkulosis hábang nakikipagdigma sa Cordillera. Inilibing siyá sa La Trinidad, Benguet. (KLL)