Tomas Arejola
(18 Setyembre 1866–Mayo 1926)
Filipino lawyer and propagandist
Isang makabayang abogado at masipag na Propagandista, si Tomas Arejola (To·más A·re·hó·la) ay isinilang noong 18 Setyembre 1866 sa Nueva Caceres (Lungsod Naga ngayon) sa mariwasang pamilya nina Antonio Arejola at Emeterio Padilla. Nakatapos siyá ng perito agronomo sa Colegio de San de Letran at kumuha ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ngunit nagpunta siyá ng España noong Agosto 1888 at tinapos ang abogasya sa Universidad Central de Madrid.
Napalahok siyá sa Kilusang Propaganda nang sumapi sa Asociacion Hispano-Filipino na itinatag ni Miguel Morayta noong 12 Hunyo 1889 at lumakad sa Batas Maura noong 1893. Itinatag pagkuwan ni Tomas ang Circulo Hispano-Filipino na siyá ang unang pangulo at si Mariano Ponce ang kalihim. Naging masipag na manunulat si Tomas sa mga diyaryo sa España at marami sa mga ito ang atake laban sa mga abuso at katiwalaang nagaganap sa Filipinas. Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, isinangkot at dinakip siyá at ipiniit sa Carcel Modelo ng Madrid, kasáma ang anim pang miyembro ng Circulo at Mason. Ang kaniyang amang si Antonio Arejola ay dinakip din sa Filipinas at ipinatápon sa Fernando Po sa Kanlurang Africa. Nang pawalan, ipinagpatuloy ni Tomas ang gawaing propagandista hábang nása España. Nahirang siyáng kinatawan ng Ambos Camarines sa Kongresong Malolos bagaman nása España siyá.
Pumunta siyá sa Singapore at sa Hong Kong upang tumulong mag-organisa ng mga Filipino doon. Noong 1902–1906, kasáma siyá ni Mariano Ponce sa Japan. Nang umuwi siyá sa Filipinas, naging aktibo siyáng kasapi ng Partido Nacionalista sa Bikol at nahalal na kinatawan sa Philippine Assembly. Pinakamahalagang ginawa niya ang pagiging isa sa awtor ng Philippine Public Library Act noong 1908. Kumandidato siyáng senador noong 1916 at nagwagi. Gayunman, di siyá nakaupô dahil pinawalang-bisa ang halalan dahil sa mga katiwalaan. Nagretiro sa politika si Tomas at namatay noong Mayo 1926. Napangasawa niya si Mercedes Caldera y Olarte ngunit wala siláng naging anak. (GVS)