Liwayway A. Arceo

(30 Enero 1920–03 Disyembre 1999)
Filipina multi-awarded Tagalog writer, fictionist, radio, scriptwriter, essayist, translator and editor

Si Liwayway Ablaza Arceo (Li·way·wáy A·blá·za Ar·sé·o) ay isa sa mga nangungunang kuwentista, radio scriptwriter, mananaysay, tagasalin, at editor sa wikang Tagalog. Isinilang siyá noong 30 Enero 1920 sa Tondo, Maynila kina Gregorio Arceo at Amada Ablaza. Nagkaroon siya ng anim na anak sa asawang makatang si Manuel Principe Bautista. Nang makapagtapos sa Torres High school, pumasok siyá sa Balita at naging unang babaeng kawani ng isang pahayagang Tagalog. Gumanap siyá sa pelikulang Tatlong Maria kasáma sina Carmen Rosales at Norma Blancaflor noong 1943. Nang muling alukin sa pag-arte, tinanggihan niya ito at mas pinilì ang pagsusulat. Noong dekada 50, nagsulat siyá ng mga script para sa Ilaw ng Tahanan, ang unang radio soap opera sa bansa na nagtagal nang halos 10 taón. Siyá rin ang nása likod ng mga iskrip na binabasa noon ng mga gaya ni Tiya Dely Magpayo sa programang Ang Tangi Kong Pag-ibig at Kasaysayan ng mga Liham ni Tiya Dely noong mga taóng 1960 hanggang 1990 at ni Helen Vela sa programang Lovingly yours, Helen noong mga taóng 1970.

Nakapagsulat siyá nang halos 50 nobela, libong maikling kuwento, sanaysay, at dramang panradyo. Naging pinakatanyag ang kaniyang mga nobelang Canal de la Reina (1972) at Titser (1995). Ang ilan naman sa kalipunan ng kaniyang mga maiikling kuwento ay: Uhaw ang Tigang na Lupa at Iba Pang Katha (1968); Mga Piling Katha (1984); Ina, May-bahay, Anak, at Iba Pa (1990); Ang Mag-anak na Cruz (1991). Naging editor din siyá ng seksiyong Bagong Dugo sa Liwayway at ng seksiyong pangkonsiyumer sa Balita. Marami siyáng isinaling akdang relihiyoso sa wikang Filipino. Ang pinakamalaking proyekto na marahil ay ang pagsasalin ng Bibliya kasáma ang kaniyang asawa at iba pang kapuwa manunulat. Naisalin din sa iba’t ibang wika ang kaniyang mga akda tulad ng: Canal de la Reina at Uhaw ang Tigang na Lupa sa wikang Nihonggo at Banyaga sa wikang Bulgarian, Russian, at Ingles, at umani ng mga parangal mula sa mga pangunahing institusyong gaya ng Don Carlos Palanca Memorial Awards, Catholic Mass Media Awards, Cultural Center of the Philippines, Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas, Asian Catholic Publishers, at iba pa. (KLL)

Cite this article as: Arceo, Liwayway A.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/arceo-liwayway-a/