Araw ng Paggawa

Labor Day is public holiday celebrated every May 1

 

Ang Araw ng Paggawâ ay ginaganap tuwing unang araw ng Mayo bílang pagdiriwang at pagpapahalaga sa mga manggagawa’t anakpawis. Ang unang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ay nangyari sa Estados Unidos noong 1882 at itinaguyod ng Knights of Labor, isang samahan ng mga anakpawis. Gayunman, nang lumaon ay ginawang unang Lunes ng Setyembre ang opisyal na pagdiriwang ng araw na ito sa Estados Unidos at Canada. Sa Filipinas, higit na sinunod ang tradisyong namayani sa Europa na ipagdiwang ang araw na ito tuwing unang araw ng Mayo. Ang araw na ito ay unang ipinagdiwang sa Filipinas noong 1903 at ang bansa ay nása ilalim pa ng Estados Unidos. Mahigit isang daang libong manggagawa ang nagmartsa sa harap ng Palasyo ng Malacañang upang humingi ng mga kondisyon para sa ikabubuti ng lahat ng manggagawa at ito’y pinamunuan ng organisasyong Union Obrero Democratica de Filipinas (UODF). Hudyat ito ng pagtubò ng unyonismo sa Filipinas. Dahil dito ay naalarma ang pamahalaang Americano. Sinalakay ng mga Americano at Filipinong kabilang sa Philippine Constabulary ang imprenta ng UODF at inaresto ang presidente nitó na si Dominador Gomez sa salang “illegal assembly and sedition.”

Pagkaraan ng limang taón, pinagtibay ng Pambansang Asamblea ang Batas Blg. 1818 na nagtatadhanang isang pista opisyal ang unang araw ng Mayo bílang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa. Idinadaos sa araw na ito ang mga parada at palatuntunang pangmadla. Walong taón ang lumipas, 1 Mayo 1913, nabuo ang Congreso de Obrero de Filipinas (COF), na pinamunuan ni Herminigildo Cruz. Ang organisasyong ito ay naglalayon na ipaglaban ang walong oras na pagtatrabaho sa isang araw, ang abolisyon ng pagtatrabaho ng mga batàng wala pa sa wastong gulang, ang pamantayan para sa paggawa ng kababaihan, at ang paglinaw sa mga pananagutan ng mga kapitalista. Simula din noon ay nagbago na ang tradisyon ng paggunita sa Araw ng Paggawa. Kung noong mga nakaraang taón ay ipinagpipista ito sa pamamagitan ng parada, sa ngayon ay ipinagdiriwang ito sa pamamagitan ng protesta ng mga manggagawa. Naging araw din ito ng paglalatag ng mabibigat na isyung pampolitika at suliraning pangkabuhayan at may nagaganap na mga araw ng welga’t rali bago sumapit ang 1 Mayo. Karaniwang pinangungunahan ng pederasyon ng mga unyon ng manggagawa ang naturang protesta. (LN)

Cite this article as: Araw ng Paggawa. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/araw-ng-paggawa/