aratilés
Philippine Flora, trees in the Philippines, trees, medicinal plants, traditional medicine
Ang aratilés (Muntingia calabura) ay isang uri ng punongkahoy na namu-mulaklak, mabilis lumaki, at katutubo sa Gitnang America at Timog America. Tumataas ito nang lima hanggang sampung metro. Ang mga palapád na dahon nitó ay mabalahibo, madikit, salit-salit, biluhaba, may mga pagitan na parang maliliit na ngipin, patulis, at humahabà nang 8–13 sm. Ang mga bulaklak ay may diyametrong dalawang sentimetro, kulay putî, at maaaring mag-isa o may kapares. Ang mga talulot ay may isang sentimetro ang habà. Makinis at bilóg ang mga bunga nitóng berde kapag hilaw at pulá naman kapag hinog, matamis, at maraming maliliit na buto sa loob. Nabubu-hay ito kahit sa mahinàng klase ng lupa at nakakatagal sa mga asido at alkalinong kondisyon, maging sa tagtuyot.
Maraming gamit ang aratiles. Ang hinog na bunga nitó ay maaaring kainin. Sa Mexico, ginagawang jam ang prutas nitó at tsaa ang mga dahon. Sa Brazil, itinatanim sa gilid ng mga ilog upang ang mga mahuhulog na bunga ay maging pang-akit sa mga isda. Ang mga bulaklak naman ay ginagamit na antiseptiko at panggamot sa sakít sa tiyan at katawan, sipon, at sakít ng ulo. Ang mga balát ng kahoy ay ginagawang lubid. Nagbibigay naman ng magandang lilim ang makakapal na sanga at dahon nitó. Popular na pagkain sa mga kabataan sa Filipinas ang mga bunga nitó.
Nagmula ang aratiles sa maiinit na lugar sa America at naipakilála sa Thailand at Java, Indonesia. Naturalisado ito sa Filipinas at matatagpuan sa halos lahat ng bayan sa bansa. Tinatawag din itong Jamaican cherry, Panama berry, Singapore cherry, Bajelly tree, Strawberry tree sa Ingles; bolaina, yamanaza, cacaniqua, capulin blanco, nigua, niguito, memizo sa Español; at kersen sa Indones. (KLL)