aráro

agriculture, farming

 

 

Isang pangunahin at tradisyonal na kasangkapan sa pagsasáka ang aráro (mula sa Español na arado). May mga varyant itong “dáro” sa Sebwano at “dádo” sa Mëranaw at tinatawag na “lókoy” sa Pangasinan. Ginagamit ito sa pagbungkal ng mal-aking piraso ng bukirin, lalo na sa kapatagan, at karaniwang hinihila ng kalabaw o

 

báka. May paniwala na ipinakilála lámang ito sa agrikultura ng Filipi-nas sa panahon ng kol-onyalismong Español. Hindi ito ginagamit sa pagbabakál ng bakood at kaingin. Hindi rin gumagamit ng aráro ang pagsasáka noon ng payyo sa Cordillera. Kinailangan ang aráro sa maluluwang at pina-tubigang bukirin.

 

Ang tradisyonal na aráro ay binubuo ng bahaging kahoy at bahaging bakal. Apat na piraso ng kahoy ang pinaka-balangkas nitó, kasáma ang tinatawag na lúnas, ang na-kaarkong kahoy na kinakabitan ng lubid na may singkaw ng kalabaw, at ang mataas na puluhan na tinatawag na “úgit.” Ang “lúnas” ay pinakatiyan ng aráro at binubuo ng dalawang maikling piraso ng kahoy na pinaghugpong sa anggulong 90 digri. Sa hugpungan ng lúnas nakakabit ang bahaging bakal, na binubuo naman ng sudsód at lipyà. Ang “sudsód” ay patulís na piraso ng bakal at tulad ng ibig sabihin ng pangalan ay tumutusok sa lupang binubung-kal. Ang “lipyà” ay hugis-pusong piraso ng bakal at huma-hawi sa isang tabi sa mga tiningkal o malalaking piraso ng lupa na iniaalsa ng sudsód. Sa kasalukuyang modernong pagsasáka, pumalit na sa aráro ang mekanisadong traktora bílang pambungkal. May tinatawag na “kuliglíg,” na ang totoo’y komersiyal na tatak ng isang maliit at popular na traktorang-kamay. (VSA)

 

Cite this article as: aráro. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/araro/