Juan Araneta
(13 Hulyo 1852–3 Oktubre 1924)
Filipino revolutionary leader; one of the pioneers in the development of agriculture in the Philippines
Si Juan Araneta (Hu·wán A·ra·né·ta), kilalá bílang Don Juan, ay lider sa Rebolusyong Negros. Isa rin siyáng tagapanguna sa pagsasaka dahil sa pagdadalá niya ng mga makabagong pamamaraang agrikultural sa bansa.
Isinilang siyá noong 13 Hulyo 1852 sa Molo, Iloilo kina Romualdo Araneta at Agueda Torres. Lumipat ang mga Araneta sa Negros at doon na namalagi. Nag-aral siyá ng Komersiyo sa Ateneo Municipal de Manila. Nang magbalik sa Molo, hinirang siyáng Capitan del Pueblo. Naghinala sa kaniya ang mga fraile noon ngunit dahil sa mataas na respeto sa kaniya ng mga taumbayan ay hindi siya mapatalsik.
Noong 1891, matapos mamatay ng kaniyang asawa, ay nagpunta siyá sa Europa kasáma ang kaibigang si Don Claudio Reina. Nagkaroon siyá ng pagkakataóng makilála ang mga lider na Filipino na nása Madrid, London at Paris. Lalong nag-init ang mga fraile sa kaniya nang siyá ay bumalik sa bansa. Inagaw ang kanilang lupa at kinailangan niyang dalhin sa Bundok Kanlaon ang kaniyang pamilya upang magsimula ng bagong sakahan.
Ang kaniyang mga paglalakbay sa Europa ang nagbukás sa kaniya sa mga makabagong kagamitang pang-agrikultura tulad ng sugar mill mula sa Inglatera na inilagay niya sa kaniyang asyenda sa Dinapalan, baler para sa abaca, rice thresher, at iba pa. Naging mapaghinala ang mga awtoridad na Español sa mga idinedeskarga sa kaniyang lupain sa Lumangub. Dinakip siyá at dinalá sa Concordia noong Enero 1897. Ipiniit siyá sa Himamaylan, sa Ilog, na kabisera noon ng probinsiya, at sakâ sa Bacolod upang doon pakawalan noong Oktubre 1897.
Noong 5 Nobyembre 1898, naging matagumpay ang Rebolusyong Negros. Kasáma si Heneral Aniceto Lacson bílang Presidente, siya ay naging Kalihim ng Digma sa itinatag na Republikang Negros. Nang dumating ang mga Americano sa Iloilo, ipinayo niyang sumunod ang Republika sa mga ito. Noong 1904, isa siyá sa mga naging komisyoner sa St. Louis Exposition. Itinanghal niya ang iba’t ibang klase ng bigas, kakaw, abaka, at iba pang ani mula Negros at Panay. Nagpatuloy siyá sa pagpapaunlad ng agrikultura, sa kagamitan man o sa mga itinatanim. Isa siyá sa mga nagtatag ng Maao Sugar Central.
Nagkaroon siyá ng 25 anak sa apat na naging asawa na sina Celestina Diaz, Cristeta Sarmiento, Natalia Salsalida, at Juanita Camillarosa. Namatay siyá noong 3 Oktubre 1924 sa Negros Occidental. (KLL)