Gregorio S. Araneta
(19 Abril 1869–9 Mayo 1930)
Filipino lawyer and politician
Si Gregorio Soriano Araneta (Gre·gór·yo Sor·yá·no A·ra·né·ta) ay isang abogado at politiko na naging pinakabatàng associate justice sa kasaysayan ng Korte Suprema, at unang Filipino na humawak ng mataas na posisyon noong panahon ng pamahalaang Americano.
Pagkatapos pumasá sa pagsusulit sa abogasya, pumasok siyá sa law office ni Don Jose Ycaza bago maging auxiliary register of deeds ng timog distrito ng Maynila (1894- 1895) at nanunungkulang piskal (1896). Noong panahon ng Himagsikang Filipino, nanungkulan siyáng kalihim ng Kongreso ng Malolos at Kalihim ng Katarungan ni General Emilio Aguinaldo. Noong 1899, sa panahon ng Americano, itinalaga siyá ni Heneral Elwell Otis bílang Associate Justice ng Korte Suprema. Noong 1901, itinalaga naman siyáng Solicitor General, at noong 1906, Attorney General. Noong 1908, hinirang siyáng kasapi ng Philippine Commission at Kalihim ng Katarungan at Kasapian. Pagkatapos ng kaniyang panunungkulan noong 1913, nagtayô siyá ng sariling law office at nagturo ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Tumakbo siyá bílang Senador noong 1916 ngunit hindi pinalad na magwagi. Nang inalok siyá ni Ispiker Sergio Osmeña na maging Punòng Mahistrado ng Korte Suprema, tinanggihan niya ito upang magbigay-daan kay Manuel Araullo, na pakiramdam niya ay mas karapat-dapat sa posisyon.
Isinilang siyá noong 19 Abril 1869 sa Molo, Iloilo kina Felix Araneta at Paz Soriano. Nag-aral siyá sa mga pribado at pampublikong eskuwelahan sa Molo bago mag-aral ng sekundarya sa Ateneo Municipal de Manila. Sa Ateneo din siyá nagtapos ng batsilyer en artes. Noong 1891, nakamit niya ang Licenciado en Derecho sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nagkaroon siyá ng 14 anak sa asawang si Carmen Zaragoza. Pumanaw siyá noong 9 Mayo 1930 sa atake sa puso. Ipinangalan sa kaniya ang isang pangunahing abenida sa Lungsod Quezon at ang De La Salle Araneta University (dating Gregorio Araneta University Foundation). (PKJ)