Araneta Coliseum

The biggest indoor arena in the world when it opened in 1960.

Ang Araneta Center ay ang sentro ng komersiyo sa Cubao, Lungsod Quezon, Kalakhang Maynila. May lawak itong 35 ektarya, at tinatáya na daan-daang libong katao ang bumibisita sa samot-saring opisina, pamilihan, tahanan, at pook-libangan dito araw-araw. Pinakatanyag sa mga gusali nitó ang Araneta Coliseum (A·ra·né·ta Ko·li·sí·yum), na noong buksan noong 1960 ay pinakamalaking indoor arena sa buong mundo. Binili ni J. Amado Araneta ang lupang binabakuran ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA), Aurora Boulevard, P. Tuazon, at 15th Avenue, mula sa Radio Corporation of America noong 1952, at mula noon ay hawak na ito ng  pamilyang Araneta. Sinimulan ang paggawa sa Coliseum noong 1957, at si Dominador Lugtu ang nagsilbing arkitekto. Ang sahig nitó ay sumasaklaw ng 23,000 metro kuwadrado.

Isang laban sa boksing ni Gabriel “Flash” Elorde para sa kampeonato ang nagpasinaya sa arena, at mula noon, iba’t ibang mahahalagang okasyon sa larangan ng isports at libangan ang ginanap dito. Ilan dito ang laban sa boksing nina Muhammad Ali at Joe Frazier na tinaguriang “ftrilla in Manila,” mga pandaigdigang laban sa basketbol, at konsiyerto ng mga sikat na musikero. Mahigit sanlibong laro ng Philippine Basketball Association (PBA) ang naidaos na sa tinaguriang ”fte Big Dome.” Depende sa okasyon, káyang magpaupô ng koliseo ng 15,000 hanggang 16,500 katao, at nadadagdagan ito ng mga táong nakatayô sa mga pilìng pagkakataón; halimbawa, maaaring umabot sa halos 24,000 katao ang nanonood sa mga laban para sa kampeonato sa basketbol.

Bukod sa Coliseum, matatagpuan din sa Araneta Center ang malalaking pamilihan tulad ng Ali Mall, Farmers Market, Farmers Plaza, Gateway Mall, at SM Cubao. Terminal din ito ng mga bus papuntang Timog Luzon, at nása paligid lámang ng sentro ang iba pang terminal ng bus papuntang Hilaga at Timog Luzon. (PKJ)

Cite this article as: Araneta Coliseum. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/araneta-coliseum/