ar-arosép

Philippine Flora, Plants in the Philippines, Cooking ingredients, Filipino cuisine, salad, aquatic plants, seaweed

Isang uri ng kinakaing halamang-dagat ang Caulerpa lentillifera na higit na kilalá sa pangalan nitóng ar-arosép sa Ilokano at lató sa Tagalog. Para itong kumpol-kumpol na berdeng ubas kayâ sea grapes ang tawag sa Ingles. Inalagaan na ito sa maraming pook sa Filipinas at sa Okinawa at kinakain nang hilaw bílang ensalada. Mayaman ito sa iodine, iron, calcium, at mga bitamina A at C. Kilalá itong omibudo sa Okinawa na “ubas dagat” ang ibig sabihin.

Masagana ang ar-arosep sa Pangasinan, lalo na sa mga bayan ng Agno, Lingayen, at Bolinao. Karaniwang isinasawsaw lámang sa sukà ang hilaw na ar-arosep. Ngunit sa Pangasinan, hinahaluan ito ng mga pinirasong kamatis at bagoong (siyempre, bagoong pangasinan). May matagumpay nang pond cultivation ng ar-arosep sa isla ng Mactan at ipinagbibili ang ani sa Cebu at Manila.

Umaabot ito sa 400 ektarya at umaani ng 12–15 tonelada ng sariwang damong-dagat bawat ektarya taón-taón. Isang malaking problema ang pagluluwas nitó sa ibang bansa dahil mabilis malanta. Kamakailan, iniluluwas ang inasnang lato sa Japan at Estados Unidos.

 

umilitaw sa pag-aaral na bumababà ang kalidad ng lato o ar-arosep dahil sa pagkawala ng tubig na nangangahulugan ng pagkawala din ng iodine at bitamina A. Lumilitaw din sa saliksik na naaapektuhan ang lasa nito ng pagkawala ng tubig. Nababawasan ang pagiging madulas at makatas nitó. Ang malaking problema, higit na malaking bahagi nitóng tubig at iodine ang nawawala kapag malakas ang konsentrasyon ng asin. Sa gayon, hindi nakaiinam ang mataas na konsentrasyon ng asin sa ar-arosep na pang-export. Ngunit kailangan ang malakas na pag-aasin dahil napananatili naman ang kulay, amoy, at itsura ng ar-arosep para sa matagal na biyahe. (VSA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: ar-arosép. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ar-arosep/