Maria Corazon C. Aquino

(23 Enero 1933–1 Agosto 2009)
First female President of the Philippines

Isang “di-akalaing” pangulo si Maria Corazon Cojuangco Aquino (Mar·yá Ko·ra·zón Ko·hwáng·ko A·kí·no) nang iluklok siyá sa Malacañang ng People Power sa EDSA at maging unang babaeng pangulo ng Republika ng Filipinas. Tinapos ng Pagaalsang EDSA ang mahigit 20 taóng pamumunò ni Pangulong Marcos at ibinalik ng pamumunò ni Pangulong Aquino ang demokrasya sa bansa.

“Tita Cory” ang popular na tawag kay Pangulong Aquino. Taglay ng palayaw ang pangyayaring tila isa lámang siyáng tahimik na maybahay ng martir na si Benigno (Ninoy) Aquino Jr. ngunit isinulong sa politika dahil sa pagpaslang kay Ninoy noong 21 Agosto 1983. Isinilang  si  Tita Cory sa Maynila noong 23 Enero 1933 at anak nina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong na kapuwa mula sa mariwasa at politikong pamilya. Noong 1946, nagpunta sa Estados Unidos ang kaniyang pamilya kayâ doon siyá nagtapos ng mataas na paaralan at ng kursong Batsilyer sa Sining. Bumalik siyá sa Filipinas at kumuha ng abogasya sa Far Eastern University ngunit hindi nakatapos dahil ikinasal kay Ninoy. Nagkaroon silá ng limang anak: sina Maria Elena, Aurora Corazon, Victoria Eliza, Benigno III (Noynoy) na naging pangulo ng Filipinas, at Kristina Bernadette (Kris) na isang popular na artista.

Bago ang 1983, isang tapat na maybahay at mapagmahal na ina ang tungkulin ni Tita Cory. Kailangan iyon upang maitaguyod ang masiklab na karera ni Ninoy bilang politiko. Saksi at nása likod ni Ninoy si Tita Cory mula sa panahon ng pag-akyat ni Ninoy bílang lider ng oposisyon hanggang madestiyero ito sa Estados Unidos.

Nang tumawag ng Snap Elections si Pangulong Marcos noong 7 Pebrero 1986, napagkaisahang ilaban ng oposisyon si Tita Cory. Napasalin sa kaniya ang paghanga kay Ninoy. Nang magwagi ang protesta ng taumbayan sa pamamagitan ng mapayapang na People Power (tinatawag ngayong Pag-aalsang EDSA) at mapatalsik si Pangulong Marcos noong gabi ng 25 Pebrero 1986 ay nanumpa na sa umaga ng araw na iyon si Tita Cory bílang pangulo. Tumawag ng Komisyong Konstitusyonal si Tita Cory upang bumuo ng bagong Saligang-Batas. Sa kabilâ ng mga kudeta, isa-isang ibinalik ng kaniyang administrasyon ang mga demokratikong institusyon. Sinunod din niyá ang bagong 1987 Konstitusyon na bumabâ sa tungkulin pagkatapos ng anim na taón. Ngunit patuloy siyáng pumatnubay sa takbo ng politika at hindi lumipas ang kaniyang pambihirang popularidad hanggang igupo ng karamdaman noong 1 Agosto 2009. (VSA)

Cite this article as: Aquino, Maria Corazon. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/aquino-maria-corazon/