Benigno Simeon C. Aquino III
(8 Pebrero 1960—)
President of the Philippines
Tulad ng kaniyang inang si Pangulong Corazon C. Aquino, isang “di-akalaing” pangulo ng Republika ng Filipinas si Benigno Simeon C. Aquino III (Be·níg·no Sim·yón Si A·kí·no) nang kumandidato at magwagi sa halalang 2010. Hindi siyá kasáma sa mga pinagpipiliang kakandidato sa simula ng kampanya para sa eleksiyon. Sa gayon, bukod sa nahulí sa pagtakbo ay minaliit ang kaniyang kakayahan, mahiná ang makinaryang pampolitika, at kulang sa pondo. Ngunit sinasabing dinalá siyá sa tagumpay ng bagong silakbo ng “Cory phenomenom” dahil sa pagpanaw ng ina noong 1 Agosto 2009.
Isinilang si Noynoy (ang palayaw niyá) o PNoy (ang itinawag sa kaniya pagkaraang manalo) noong 8 Pebrero 1960 sa Maynila at pangatlo sa limang anak nina Benigno (Ninoy) Aquino Jr at Corazon (Tita Cory) Cojuangco Aquino. Ikaapat na salinlahi na siyá ng mga politiko sa pamilya, mula kay Servillano Aquino na delegado sa Kongresong Malolos, lolong si Benigno Aquino Sr. na ispiker sa Mababàng Kapulungan noong 1943–1944, at mga magulang. Nagtapos siyá sa Ateneo de Manila noong 1981 at kasáma ng pamilya nang kusang madestiyero si Ninoy sa Estados Unidos. Nagbalik siyá pagkatapos paslangin si Ninoy noong 1983 at tahimik na nagtrabaho sa pribadong sektor. Nahalal siyá sa Mababàng Kapulungan noong 1998 at muling nahalal noong 2001 at 2004. Kumandidato siyáng senador noong 2007 at nagwagi. Sa panahong ito, sinabi nang dinalá siyá sa tagumpay ng magkatulong na popularidad ng ina at ng artistang kapatid na si Kris.
Umugong ang panawagang kumandidato sa pagkapangulo si Noynoy nang mamatay si Pangulong Corazon Aquino, lalo na upang ituloy ang kampanya noon ni Tita Cory laban sa mapagmalabis na gamit sa kapangyarihan ni Pangulong Arroyo. Matagal bago nagpasiya si Noynoy. Kinailangan pa ang kampanyang lumikom ng sangmilyong lagda ng taguyod sa kaniya. Kumonsulta siyá ng mga tao hanggang Mindanao. Nang tanggapin niyá ang nominasyon sa Partido Liberal, ginawa niyang islogan ang paghanap ng “daang matuwid” para sa pagkakaisa at kaunlaran ng bansa. Ipinamalas niyá ang dibdibang pagsunod sa kaniyang islogan nang ipahayag niyá pagkapanumpa bilang pangulo ang kampanya laban sa ugaling “wangwang.” Sinundan ito ng pag-usig sa sari-saring katiwaliang naganap sa nakaraang administrasyon. (VSA)