Benigno Aquino Jr.

(27 Nobyembre 1932–21 Agosto 1983)
Filipino senator and politician; Philippine National Hero

Photo from the Presidential Museum and Library (Flickr) taken from Ninoy: The Willing Martyr

Si Benigno Simeon Aquino Jr (Be·níg·no Sim·yón A·kí·no), mas kilalá bílang “Ninoy,” ay isang Filipinong senador na naging pangunahing kritiko laban kay Pangulong Ferdinand Marcos noong panahon ng diktadura. Pinaslang siyá sa Paliparang Pandaigdig ng Maynila pagkauwi mula sa destiyero sa Estados Unidos.

Isinilang siyá sa Concepcion, Tarlac noong 27 Nobyembre 1932 kina Aurora Aquino-Aquino at Benigno S. Aquino Sr, dáting Assemblyman. Pumasok siyá sa Ateneo de Manila upang mag-aral ng batsilyer sa sining. Hindi niyá ito natapos sapagkat pinilìng maging peryodista. Sa edad 17, si Aquino, para sa pahayagang The Manila Times ni Joaquin “Chino” Roces, ang naging pinakabatàng korespondent para sa Digmaang Korea, at sinundan niyá doon ang mga gawain ng mga sundalong Filipino (PEFTOK). Natamo niyá dahil sa Korea ang Philippine Legion of Honor na iginawad sa kaniya ni Pangulong Elpidio Quirino sa edad na 18. Kumuha siyá ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas, ngunit hindi niyá rin ito natapos.

Sa edad na 22, nahalal si Aquino bílang alkalde ng Concepcion, Tarlac. Siyá ang naging pinakabatàng bise-gobernador noon ng bansa sa edad na 27 at naging gobernador ng Tarlac pagkalipas ng dalawang taón. Noong 1967, sa edad 34, siyá ang naging pinakabatàng halal na senador sa kasaysayan ng Filipinas. Di malaon ay umusbong si Aquino bílang pangunahing kritiko laban kay Pangulong Marcos at sa asawa nitóng si Imelda.

Nang ipahayag ang Batas Militar noong Setyembre 1972, dinakip si Aquino at nakulong ng maraming taón. Nagkaroon siyá ng sakít sa puso at pinahintulutang lumabas ng bansa upang maoperahan sa Estados Unidos. Sinubok niyáng bumalik sa Filipinas noong 1983, ngunit pinaslang paglabas ng eroplano sa paliparan ng Maynila. Ang pag- paslang sa kaniya ang isa sa mga mitsa ng People Power (EDSA) Revolution ng 1986 na nagbagsak sa diktadurang Marcos at nagluklok sa kaniyang iniwang maybahay na si Corazon Aquino bílang Pangulo ng bansa.

Bílang pagpapahalaga, ipinangalan ang paliparang tagpo ng kaniyang kamatayan bílang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Makikita ang kaniyang imahen sa 500 pisong papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas. (PKJ)

Cite this article as: Aquino, Benigno Jr.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/aquino-benigno-jr/

Related Articles