Cecilio Apostol
(22 Nobyembre 1877–17 Setyembre 1938)
Filipino revolutionary, poet, translator, essayist, and editor
Si Cecilio Apostol (Se·síl·yo A·pos·tól) ay isang pangunahing makata, mananaysay, tagasalin, at editor sa wikang Español. Isinilang siyá sa Santa Cruz, Maynila noong 22 Nobyembre 1877 kina Jose Pablo Apostol, isang book-keeper, at Marcelina delos Reyes. Nagkaroon siyá ng anim na anak sa asawang si Margarita San Jose. Noong kaniyang kabataan, mahilig siyáng sumulat ng tula at mag-pinta. Nagtapos siya ng batsilyer sa Ateneo Municipal de Manila noong 1894 at pagkaraan ay kumuha ng abogasya sa Universidad de Santo Tomas. Inihinto niya ang pag-aaral ng abogasya upang sumáma sa Himagsikang 1896.
Noong 1899, sumáma siya sa La Independencia na itinatag ni Antonio Luna. Nakapagsulat siya sa mga pahayagang nasyonalistiko tulad ng La Patria, La Fraternidad, La Democracia, El Renacimiento, at La Union. Naging manunulat at tagasalin sa city attorney’s office ng Maynila noong 1903 hábang ipinagpapatuloy ang kaniyang abogasya sa UST. Bagaman hindi niya nakuha ang kaniyang titulo, nakapasá siyá sa bar exam at nakapagtrabaho sa law office ni Vicente Francisco.
Ang ilan sa mga una niyang tula gaya ng “El tenor de los Mares Indicos” ay lumabas sa El Comercio noong 1895. Ang mga tanyag niyang katha ay mayroong temang patriyotiko gaya ng “Los martires anonimos de la patria,” “Al Yankee,” at “Rizal” noong 1899. Nagkamit ng gantimpala mula sa Club Internacional ang kaniyang mahabàng tula na “Mi raza.” Ang kaniyang “A Emilio Jacinto” ay nanalo sa isang patimpalak para sa naturang bayani noong 1914 hábang ang kaniyang “Sobre el pinto” ang pinag-ugatan ng bansag na Dakilang Lumpo kay Apolinario Mabini. Isinalin niya sa iba’t ibang wika ang ilang kathang Filipino, tulad ng Dekalogo ni Andres Bonifacio sa wikang Pranses at ng epikong Lam-ang sa wikang Español. Tinipon ang kaniyang mga tula sa librong Pentelicas na inilabas noong 1940s.
Dahil sa ipinamalas na husay sa pagtula, minsan nang ginamit ang kaniyang mga akda upang ituro ang wikang Español sa ilalim ng Republic Act No 1881 kahanay nina Jose Rizal, Fernando Ma. Guerrero, Jose Palma, Claro M Recto, at iba pa. Kinikilála din maging sa ibang bansa ang kaniyang husay—isináma ang kaniyang mga tula at talam-buhay sa Anthology of Spanish Poetry ni Carl Kjersmeier at sa Enciclopedia España. Namatay siya noong 17 Setyembre 1938 sa Caloocan, Rizal (Lungsod Kalookan ngayon) at ipinangalan sa kaniya ang isang malaking paaralang publiko sa naturang lungsod. (KLL)