Leon Apacible
(25 Oktubre 1861–1901)
Filipino lawyer, propagandist, and revolutionary
Isang katangi-tanging ilustrado at Propagandista, si Leon Apacible (Le·ón A·pa·síb·le), kapatid ng bantog ding si Galicano, ay isinilang noong 25 Oktubre 1861 sa Balayan, Batangas, kina Vicente Apacible at Catalino Castillo na kapuwa mulang mariwasang pamilya. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal, kaeskuwela ni Rizal, at tulad ni Rizal ay sobresaliente o may pinakamataas na marka sa lahat ng klase.
Naging lisensiyado siyá sa hurisprudensiya noong 1886, nag-abogado sa Batangas, nagtatag doon ng Masoneriya, at nahirang na hukom sa Lungsod Batangas. Napangasawa niya si Matilde Martinez ng Taal at nagkaroon silá ng tatlong anak. Kasáma siyá sa mga dinakip pagsiklab ng Himagsikang 1896 at ipinatápon sa Lepanto (Bontoc ngayon). Nakabalik siyá sa Batangas dahil sa Kasunduang Biyak-na-Bato, at lumahok sa ikalawang yugto ng Himagsikan bílang ayudante ni Heneral Malvar. Pinangunahan niya ang salakay sa Lungsod Batangas.
Nahirang siyang kinatawan ng Lepanto sa Kongresong Malolos. Magkasulatan silá ni Galicano, na naging bahagi ng Hong Kong junta. Minsan, naisulat ni Galicano ang kaniyang kabiguan sa Republikang Malolos dahil marami sa mga opisyal ang “inkompetente, tamad, at napakabagal magpasiya sa mabibigat na usapin.” Inalok ni Galicano si Leon na sumáma sa kaniya sa Hong Kong. Ngunit nanatili si Leon sa Filipinas. Sa Digmaang Filipino-Americano, umuwi si Leon sa Taal at nagnegosyo. Namatay siyá noong 1901 sa gulang na 40 taón. Isang marker sa kaniyang alaala ang inilagay ng National Historical Institute sa kaniyang bahay sa Taal noong 1970. Noong 1976, ibinigay ng kaniyang apóng si Meyor Corazon Cañiza ang bahay at mga dokumento ni Leon sa gobyerno. Ipinaayos ng NHI ang bahay bílang memoryal. (GVS)