Galicano Apacible
(25 Hunyo 1864–2 Marso 1949)
Filipino patriot, propagandist and politician; co-founder and first president of the revolutionary newspaper La Solidaridad
Si Galicano Apacible (Ga·li·ká·no A·pa·síb·le) ay isa sa mga tagapagtatag ng La Solidaridad at naging unang pangulo nitó. Naging politiko siyá at kasapi ng Partido Nacionalista sa panahon ng pamahalaang Americano.
Isinilang sa Balayan, Batangas noong 25 Hunyo 1864, si Kanoy ang bunso sa tatlong anak nina Don Vicente Apacible at Catalina Castillo. Walong taón siyá nang matapos ang elementarya. Itinuloy niya ang pag-aaral sa Maynila—una sa pribadong eskuwelahan ni Benedicto Luna at pagkatapos ay pumasok sa Colegio de San Juan de Letran. Kasáma ng nakatatandang kapatid na si Leon at ang pinsang si Jose Rizal, nanirahan silá sa isang paupahan sa 15 Kalye Anda sa Intramuros. Nag-aral siyá sa Unibersidad de Santo Tomas ng medisina. Nakagalít niya ang isang paring Dominiko doon kayâ nagpasiya siyáng ipagpatuloy ang pag-aaral sa Europa. Natapos niya ang kaniyang Bachiller en Artes sa Instituto del Tarragona at ang kaniyang Licenciado sa medisina at pagtistis sa Universidad de Barcelona noong Nobyembre 1889. Itinuloy niya ang kaniyang doktorado sa medisina sa Universidad Central de Madrid hábang aktibo sa mga kilusang politikal sa España.
Nang magbalik sa Filipinas noong 1892, nalaman niyang ipinatápon ang kapatid niyang si Leon sa Lepanto hábang si Rizal ay sa Dapitan. Pinagsospetsahan siyá ng pamahalaan dahil sa pagiging aktibo sa mga kilusang politikal sa España at gayundin sa pagiging Mason. Nagpunta siyá sa Hong Kong kasáma ang pamilya ni Rizal upang makaiwas sa pagdakip. Sa Hong Kong, naging tagapayo siyá ng Alto Consejo de los Revolucionarios at naging tagapamahala ng Comite Central Filipino. Noong 1899, ipinadalá siyá sa Estados Unidos kasama si Rafael del Pan bilang kinatawan ng pamahalaang Rebolusyonaryo ng Filipinas upang makipag-usap sa pamahalaang Americano.
Noong 1903, nagbalik siyá sa Maynila at nagsimulang manggamot. Nagtrabaho siyá sa San Lazaro Hospital 1906–1907. Nagsimula rin ang kaniyang karera bílang politiko. Naging gobernador siya ng Batangas noong 1907, representante ng unang distrito ng Batangas 1909– 1912, bise presidente ng Partido Nacionalista, at unang kalihim na Filipino ng departamento ng agrikultura sa ilalim ng pamahalaang Americano na iniwan din niya dahil sa karamdaman. Naaksidente siyá noong 1944 at nabulag noong 1947. Namatay siyá noong 2 Marso 1949 at inilibing sa La Loma Cemetery sa Manila. (KLL)