Pablo S. Antonio

(25 Enero 1901–14 Hunyo 1975)
Filipino architect; National Artist for Architecture; Pioneered modern Philippine architecture

Isang arkitekto si Pablo S. Antonio (Páb·lo Es An·tón·yo) at itinuturing na tagapaghawan ng landas para sa modernong arkitektura na umaangkop sa kaligiran, kaugalian, at pangangailangan ng mga Filipino. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura noong 1976.

Sa kaniyang mahigit 43 taón sa larangan ng arkitektura, kilalá ang likhang Antonio sa paggamit ng natural na liwanag at bentilasyon at kung gayon ay walang pag-aaksaya sa enerhiya, malilinis at makikinis na mga linya, mga kurbang nakapaloob sa mga estruktura, at malalaking bukás na espasyo at mayayabong na hardin. Binago ni Antonio ang mukha ng Kamaynilaan. Si Antonio ang namahala sa konstruksiyon ng Executive Building sa Taft Avenue kanto ng P. Burgos St. (ngayon ay National Museum). Siyá ang arkitekto ng maraming gusali ng mga paaralan—Nicanor  Reyes  Hall,  Administration Building, Home Economics Building, at Girls High School ng Far Eastern University; Auditorium at Executive Offices ng University of the East; at Afable College of Medicine. Itinayô rin niyá ang mga opisina, ospital, at iba pang gusaling pampubliko tulad ng PNB head office at mga branch offices, Singer Sewing Machine Office, mga estasyon at terminal ng Manila Railroad Company, Cartimar Shopping Center, Bel-Air Apartment na matatagpuan sa Roxas Blvd., Taliba-Vanguardia-Times Annex Bldg, Ramon Roces Publications Building (ngayon ay Guzman Institute of Technology), Manila City Hospital (ngayon ay National Children’s Hospital), at De La Salle Chapel.

Ipinanganak siyá noong 25 Enero 1901 sa Balanga, Bataan. Nakaisang-dibdib siyá ni Marina Reyes, isang bantog na pangalan sa haute couture noon at biniyayaan ng anim na anak. Tatlo rito ay naging mga arkitekto rin, sina Pablo Jr., Luis, at Ramon. Naging draftsman siyá sa Bureau of Public Works upang matustusan ang sariling pag-aaral sa paaralang sekundarya at sa Mapua Institute of Technology hanggang makatapos ng kursong Arkitektura. Kumuha siyá ng karagdagang pag-aaral sa University of London sa England sa tulong ni Don Ramon A. Arevalo. Sa kompanya ni Don Ramon na Sta. Clara Lumber Company maglilingkod si Antonio bílang ganap na arkitekto hanggang sa maitayô niya ang sariling kompanya. (RVR)

Cite this article as: Antonio, Pablo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/antonio-pablo/

Related Articles