anónas
Philippine Flora, trees in the Philippines, trees, medicinal plants, traditional medicine, dye
Ang anónang/anónas (Annona reticulata) ay palumpong na may taas na aabot hanggang sampung metro at nakakain ang bunga. Ang mga dahon nitó ay makikintab at biluhaba na may patusok sa dulo; may habàng 20 sentimetro at lapad mula dalawa hanggang limang sentimetro. Ang mga bulaklak nitó ay may kulay na lungtiang dilaw, mabango, at may habàng dalawa hanggang dalawa’t kalahating sentimetro. Ang itsura ng panlabas na talulot ay kawangis ng atis samantalang ang panloob naman ay napakaliit at palapad na bilóg. Ang mga bunga nitó ay hugis-puso, kayumangging dilaw at may diyametrong walong sentimetro o higit pa. Ang balát ng bunga ay manipis na bumabálot sa lamáng kulay krema, makatas, at matamis. Nabubúhay ito sa mga lugar na may klimang tropikal.
Kinakain ang bunga nitó kapag hinog. Ang pinatuyo at pinulbos na bungang hilaw naman ay mainam gawing gamot sa pagtatae, pampahilom ng sugat, at pampuksa ng parasito. Ang pinainitang dahon ay maaaring gawing pampuksa sa parasito at lunas sa mga hindi natutunawan ng pagkain. Ang mga balát ng punò ay maaaring gawing gamot sa sugat at inuming pampagísing. Ang pinulbos na mga balát ng kahoy ay ginagamit panggamot sa pagtatae at íti. Kapag malalâ ang pagtatae ng isang pasyente, sáma-sámang pinakukuluan ang hilaw na bunga, balát ng punò at mga dahon sa isang litrong tubig sa loob ng limang minuto sakâ ipaiinom sa pasyente. Ang mga ugat ay gamot sa epilepsiya. Maaari ring makakuha ng asul at itim na pangkulay at matitibay na hibla mula sa anonas.
Dinalá ito ng mga Español sa Filipinas mula sa bahaging tropikal ng America. Tinatawag din itong ánat, bullock’s heart, custard apple, nanas, at sari-káya. (KLL)