anís

Philippine Flora, plants in the Philippines, plants, Cooking ingredients, medicinal plants, traditional medicine

Ang anís (Pimpinellaanisum, Glycyrrhizaglabra) ay isang lubigan o herb na may makinis na balát at tuwid na ka-tawan. Marami itong sanga at matabâng mga ugat. Lumalaki ito ng tatlong talampakaan. Ang mga lungtiang da-hon ng anis ay maninipis at umaabot ng pitóng pulgada ang habà na nagsasangay din ng mas maninipis pa ngunit mas maiikling mga dahon. Ang bulaklak nitó ay maliit, kulay dilaw o putî, at kumpol-kumpol na humahabà kung ito ay nagbunga na. Mabango ang bunga ng anis kahit magulugod ang mga ito. Hugis ipa ng palay ang buto nitó ngunit mas maliit ang sukat.

Pinaniniwalaang nagmula sa Mediteraneo ang anis. Matatagpuan ang halamang ito sa mga bansang may mainit na klima.

Mayaman ang ka-saysayan ng mundo na nagpapatunay na maraming gamit ang anis. Mabisà ito sa panggagamot at ginagamit din ito sa pagluluto at iba pa. Lahat ng parte ng halamang-gamot na ito ay may pakinabang. Bukod sa pampalasa sa mga pagkain, ang talbos, bunga, at buto ng anis, pamparami pa ito ng gatas ng ina at nakakapagregular ng regla. Nakakatulong sa paghinga ang mga talbos nitó samantalang ang ugat naman ay mainam na gamiting pampurga. Ang bungang anis ay mabisàng carminative o nakakapagpalabas ng hangin mula sa bituka at sikmura. Naitataboy ng amoy ng anis ang mga insekto, naiibsan nitó ang lagnat at sakít ng ngipin. Nalulunasan din nitó ang mabahòng hininga.

Mayaman sa anti-oxidants ang anis. Pinaniniwalaang natural na pampalit ito sa mga kemikal na non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID), expectorant, diuretic at antidepressant. Sa India, ginagamit din ang anis na lunas sa mga sexually transmitted diseases. Nakukuhanan din ng lana ang anis na gingamit sa aromatherapy o pangmasahe. Maaari rin itong ipahid sa mga bitag ng daga bílang pampain upang makasilò. (ACAL)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: anís. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/anis/