Angaló

mythology, folklore, creation myths, legends, myths

 

 

Si Angaló (kung min-san, Angngaló) ang lumikha sa tao sa mi-tolohiyang Ilokano. Bukod kay Lam-ang at Kannoyan, lalaki at babaeng bida ng epi-kong-bayan ng mga Ilokano, sina Angalo at Aran na marahil ang mga tanyag na tauhan sa mga Iloka-nong kuwentong-bay-an. Maraming ber-siyon ng kuwento ni Angalo, at iba-iba

 

ang kaniyang ginagampanan—bílang dakilang manlilikha, bílang anak ng isa pang bathala, o bílang isang mangingisda na hinahanap ang kaniyang nawawalang irog.

 

Sa isang mito, sina Angalo at Aran ay mga higanteng may anyong tao. Sa laki ni Angalo, abot-langit ang kaniyang ulo, daan-daang milya ang saklaw ng bawat hakbang, at naririnig sa lahat ng sulok ng mundo ang kaniyang boses at halak-hak. Patag dati ang buong daigdig, at kinalkal niya ang lupa upang bumuo ng mga bundok at lambak, at inihian ang mga hukay upang maging mga dagat at lawa. Mula sa kaniyang dura nagmula ang unang lalaki at babae. Sa ibang kuwento, may tatlong anak na babae sina Angalo at Aran na hindi nilá kasinlaki. Nabuo naman daw ang kapuluang Bisayas nang nagtalo ang dalawa sa mga nakalap niláng perlas; nagkabi-tak-bitak ang lupain at lumubog ang ilang bahagi sa lakas ng kanilang mga dagundong.

 

Sa isang salaysay, si Angalo ay isang mortal na tao na na-ging mangingisda sa pag-asang makikita ang irog na nilisan siyá. Nadesgrasya ang barkong sinasakyan niya at napadpad siyá sa pampang ng Ilocos. Tinulungan niya ang mga Ilokano sa pangingisda at pinuksa ang isang ha-limaw-dagat na kumikitil ng maraming taumbayan taón-taón. Hindi niya malimot ang kaniyang nawawalang irog, at inukit niya ang malaking imahen ng babae sa dalisdis ng isang bundok. Tuwing pauwi siyá mula sa pangingisda, sinasalubong siyá ng tanawing ito.

Sa kasalukuyan, matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Ilo-cos, Cagayan, at Pangasinan ang malalaking tipak ng bato na tinatawag na mga ”tugot” (yápak) ni Angalo. Isang halimbawa nitó ay makikita sa bayan ng Sudipen sa La Union, sa Ilog Amburayan. (PKJ)

Cite this article as: Angaló. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/angalo/

Related Articles