Ang Kiukok

(1 Marso 1931–9 Mayo 2005)
Filipino modernist painter; National Artist for Visual Arts

Si Ang Kiukok (Ang Ki·yú·kok) ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal noong 2001. Kinikilála siyáng pangunahing modernistang pintor sa Filipinas. Ang likhang Kiukok ay may matingkad na partikularidad sa estilo, disenyo, at pamamaran. Mayroon itong tiyak na kaisahan, identidad na biswal, at sistema ng metapora kayâ ang mga obra niyá ay kagyat na nakikilála. Tanyag sa kaniyang mga ekspresyonistang rendisyon ang karaniwang bagay-bagay gaya ng aso, pusa, isda, kalansay, tinik, sabong, basurang-pabrika, barb wayr, gayundin ang mga kadalasang tema sa sining na mag-ina, magsing- irog, hubad na katawan, at krusipiho.

Sinasabing nagpapahiwatig ng maiigting na damdamin, tulad ng pusok, dahas, hinagpis, pagpapakasákit, at linggatong ang kalakhan ng mga larawang ipininta ni Kiukok. Mga imaheng karima-rimarim at kagila-gilalas ang mahalagang bahagi ng kaniyang mga pinta. Matingkad ang mga kulay, marahas ang hagod ng pinsel, siksik at makipot ang mga espasyo, dinamiko at tensiyonado. Mababanaag ang pagsasanib ng impluwensiyang kubismo, ekspresyonismo, at surealismo sa kaniyang mga likha. Ang mga tauhan sa kaniyang mga pintura ay mga payaso, magbubukid, manggagawa, at mangingisda. Madalas niyáng itinatampok ang tema ng pagkakabitag at pagpupumiglas.

Mahalagang bahagi ng mga obra ni Kiukok ay ang serye ng krusipiho. Malayò sa taimtim o realistikong kopya ng importanteng sagisag na ito ng Katolisismo, sa sining ni Kiukok ay naging mabisang pagpapahayag ng pighati at pagpapakasákit ang krusipiho. Naging mabisang behikulo ito sa sining na nakagigitla, umaantig, at sa proseso ay nagmumulat.

Sina Vicente Ang at Chin Lim, mga migranteng Chinese na nanahanan sa Lungsod Davao, ang kaniyang mga magulang. Nagtapos siyá ng digri sa sining sa UST (1952– 1954). Si Vicente Manansala ay isa sa kaniyang mga naging guro. Kayâ naman mababanaag ang impluwensiya ng kubismo ni Manansala sa kaniyang mga naunang pintura. Nagtamo si Kiukok ng mga gawad mula sa Arts Association of the Philippines (AAP), pambansang patimpalak sa sining ng Shell, National Museum of Modern Art sa Hawaii, at Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Kinilala rin siyáng Outstanding Overseas Chinese (1961) at pinagkalooban ng Araw ng Maynila Award (1976). (RVR)

Cite this article as: Ang Kiukok. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ang-kiukok/