anáhaw
Philippine Flora, Plants in the Philippines, building materials, crafts, handicrafts, architecture, construction materials
Ang anáhaw (Livistona rotundifolia) ay katutubong palma na may makinis na bunged o punò ng kahoy at may mga dahong nakakumpol sa dulo ng bunged. Itinuturing itong Pambansang Dahon ng Filipinas.
Ang dahon ng ana-haw ay malapad na pabilóg at kulay berde. Ang tangkay ng dahon ay matinik at tumutubò nang paikot sa sariling katawan nitó. Ang anahaw ay umaabot sa taas na 20 metro kung ito ay tumutubò sa likás na kaligiran sa kagubatan. Ngunit kung ito nama’y nása hardin o iba pang artipisyal na lugar, tila napipigil ang paglaki at pagtaas ng palmang ito.
Ang dahon ng anahaw ay maaaring gamiting materyales sa paggawa ng bubong ng mga bahay kubo. Dahil sa kintab at hugis ng dahon nitó, nagagamit din itong pandekorasyon kapag may espesyal na pagdiriwang. Ang dahon ay pinagtatagni at ginagamit noong “kalapyáw,” ang tawag sa sinaunang kapote. Ang buko nitó ay iginugulay at kinakain. Ang punò ng kahoy o katawan nitó ay ginagamit namang sahig ng mga sasakyang pandagat o pundasyon ng bahay. (SAO)