amugís

Philippine Flora, trees in the Philippines, trees, evergreen, endemic trees, endemic plants, building materials, medicinal plants, traditional medicine, construction materials

Ang amugís (Koordersiodendron pinnatum) ay malaking laging-lungting punongkahoy na 25 m ang taas, may mga dahong nakahanay sa magkabilâng gilid ng tangkay, mga bulaklak na putî hanggang madilaw-dilaw na lungtian, mga bungang maliliit, madidilaw, at mapipintog, at katutubo sa Filipinas. Ang pangalang siyentipiko nitó ay nangunguhulugang malabalahibo sa Latin at tumutukoy sa itsura ng mga dahon nitó. Nabibílang ito sa pamilyang Anacardiaceae na mayroong bungang nababálot ang mga buto gaya ng kasoy at mangga. Ang propagasyon nitó ay sa pamamagitan ng buto.

Ginagamit ang exudates nitó sa medisina. Ang balát ay pinaniniwalaang maaaring gawing gamot. Ang kahoy ay mainam na sangkap para sa konstruksiyon, paggawa ng sahig, aparador, at iba pang muwebles. Matatagpuan ito sa mga kagubatang hindi pa nagagalaw na may taas na 500 m hanggang 800 m. Matatagpuan ang mga amugis sa halos lahat ng isla at probinsiya ng Filipinas bagaman hindi sa maraming biíang; at sa mga karatig isla ng Borneo, Celebes, Moluccas, at Kanlurang New Guinea. Sa Filipinas, tinatawag din itong bangkalari, bangkasi, dangila, gagil, karogkog, sambulawan, uris, at urisan. (KLL)

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: amugís. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/amugis/