ampalayá
Philippine Flora, vegetables, Cooking ingredients, medicinal plants, traditional medicine, plants, diabetes, tea,
Ang ampalayá (Momordica charantia) ay isang halamang gumagapang na nabubúhay sa mga tropikong lugar. Ang baging nitó ay humahabà ng 20 sentimetro. Ang mga dahon ay hugis puso at lumalaki ng hanggang 15 sentimetro ang diyametro. Malamán ang prutas nito na kulay berde at may kulubot na balát. Hábang nahihinog ang ampalaya, nagiging kulay dalandan ito. Lumalaki ang biluhabang bunga ng ampalaya hanggang 30 sentimetro. Sa loob nitó ay may mga buto na tinatanggal bago kainin. Kilalá ang ampalaya sa pagiging mapait. Mabuti ang naidudulot ng ampalaya sa katawan ng tao kayâ naman pinakikinabangan ito bílang pagkain at gamot sa maraming uri ng sakít.
Hábang gumugulang ang ampalayá, lalo itong nagiging mapait at ang ubod naman ay nagiging matamis. Kadalasang iniluluto ang bunga at dahon ng ampalaya bago kainin. Sa China, ginagamit ang mapait na lasa ng ampalaya para pasarapin ang mga lutuing nilalahukan ng karne. Ginagawa din itong tsaa. Sa Pakistan, pinakukuluan ito at inihahain kasáma ng giniling na báka at sakâ inuulam sa mainit na tinapay. Sa Filipinas, iniluluto ito na may giniling na báka, itlog, at kamatis. Isang sangkap din ito sa kilaláng luto ng mga Ilokano, ang pinakbet.
Ginagamit ang ampalayá na panlunas sa sakít sa tiyan. Binubuksan ang ampalaya at ibinababad sa pulut dahil mabisà itong pamatay sa bulateng nematode, malarya, bulutong, at HIV. Pinagaganda rin nitó ang daloy ng dugo. Mabisàng panlaban sa diyabetis ang ampalaya. Isinasaayos nito ang dami ng insulin na ginagamit sa katawan ng tao. Mula sa pag-aaral, nakatutulong din ang ampalaya upang labanan ang sakít na kanser. (ACAL)