Fernando C. Amorsolo
(30 Mayo 1892–24 Abril 1972)
Filipino painter; the country’s first National Artist for Painting; known as “The Maestro”
Si Fernándo C. Amorsólo ang pinakaunang ginawaran ng karangalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1972. Si Amorsolo ang pinakamaningning na kinatawan ng panahong klasiko sa sining biswal sa Filipinas. Kinikilála rin siyáng “Ang Maestro”at “Grand Old Man” ng sining sa Filipinas noong nabubúhay pa.
Ang malikhaing paggamit ng liwanag, sa partikular, ng back-lighting, ang pinaka malaking kontribusyon ni Amorsolo sa pagpipinta sa Filipinas. Ang tingkad ng maningning na liwanag na nagmumula sa likuran ng kaniyang mga paksa ay nagtatampok sa isang bahagi ng kaniyang kambassa mga dahon ng mga punò, tikwas ng buhok, ngiti sa mga labì, at umbok ng dibdib ng dalagang Filipina. Masaklaw ang larangan ng mga obra ni Amorsolo mula sa mga portrait ng mga kilalá at mayayamang tao, larawan ng mga tanawin, hanggang sa dibuho sa mga pabalat ng libro at magasin. Ngunit naging tatak ng likhang Amorsolo ang pagtatanghal ng mga payak, payapa, at pangaraw-araw na búhay ng mga naninirahan sa kanayunan.
Ang mataas na antas ng kasiningan ay napanatili ni Amorosolo sa kabila ng dalas at dami nitó. Dahil sa mga tiyak na hagod ay mabilis na natatapos ni Amorsolo ang kaniyang mga likha. Ang tatlong malalaking pintura niyá para sa Philippine Pavillion na ginamit sa 1931 Paris Exposition ay natapos niyá sa loob lámang ng isang buwan. Ilan pa sa mga kilaláng obra ni Amorsolo ay ang Maiden in a Stream, Dalagang Bukid, Lavanderas, Family in a Banca, Tinikling, Harvest Scene at Barrio Fiesta. Ang Rice Planting na ginawa ni Amorsolo noong 1922 ay naging pinakapopular na hulagway sa panahon ng Komonwelt. Lumikha rin siyá ng mga obrang nagtatanghal sa kasaysayan ng Filipinas gaya ng Early Filipino State Wedding, Traders, Sikatuna, The First Mass in the Philippines, The Building of Intramuros, at Burning of the Idol.
Isinilang siyá noong 30 Mayo 1892 sa Calle Herran sa Paco, Maynila sa mag-asawang Pedro Amorsolo at Bonifacia Cueto. Ang malaking bahagi ng kaniyang kabataan ay ipinamalagi niyá sa Daet, Camarines Norte. Nag-aral siyá sa Unibersidad ng Pilipinas School of Fine Arts na pinagturuan din ng kaniyang tiyuhing pintor na si Fabian de la Rosa. Lumikha siyá ng mga obra hanggang sa mamatay noong 24 Abril 1972. (RVR)